Patuloy ang pag-iikot at pagsasagawa ng Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa iba’t ibang bayan sa lalawigan ng Seminar-Workshop sa 3R Campaign o Risk Reduction and Resilience.
Ayon sa PDRRMO, layunin ng aktibidad na tulungan ang mga Barangay at Municipal DRRM na magkaroon ng roll-out plan o Barangay Resiliency Plan para mailayo at maiwasan ang malubhang dulot ng mga kalamidad at sakuna.
Kaugnay rito, dalawang cluster na ang kanilang natapos mula nang simulan ito noong huling Linggo ng Hunyo.
Ngayong araw ng Huwebes, Hulyo 20, 2023, muli itong isinagawa para sa pangatlong cluster sa bayan ng Gonzaga na dinaluhan ng apatnapu’t limang (45) opisyales mula sa Barangay, Municipal DRRM, Municipal Planning and Development Coordinator, at Municipal Local Government Operations Office (MLGOO) sa bayan ng Sta. Ana, Sta. Teresita, Aparri East at Gonzaga.
Sa naturang seminar-workshop, nakatakdang talakayin ang mga hakbang ng mga responder sa oras na makaranas ng kalamidad at sakuna sa mga nasasakupang lugar.
Muling iikot ang grupo sa mga susunod na araw kung saan target na tapusin ang pitong cluster na binuo ng naturang tanggapan katuwang ang Department of Science and Technology (DOST).###