Itinanghal bilang kampeon ang Probinsiya ng Cagayan sa TikTok Resilience Category sa ginanap na Disaster Risk Reduction Management- Health Summit na pinangunahan ng Cagayan Valley-Center for Health Development (CV-CHD) para sa lahat ng mga probinsiya sa rehiyon.
Ayon kay Robert Umoso, Jr. II, Nurse IV at Administrative Officer Designate ng Provincial Health Office (PHO), sampung mga empleyado ng PHO mula sa Health Emergency Management Systems (HEMS) ang lumahok dito at inuwi ang kampeonato sa TikTok Resilience Challenge na sinundan naman ng bayan ng Quirino.
Bukod sa plake, nabigyan din ang probinsiya ng training kit na nagkakahalaga ng P104,000 na magagamit ng probinsiya sa pagrescue at pagresponde sa panahon ng mga sakuna. Nasa ikatlong pwesto rin ang lalawigan sa Photo Gallery contest habang ikalawang pwesto ang Isabela at kampeon ang Quirino.
Ayon pa kay Umoso, ang nasabing aktibidad na may temang “Bidang Pilipino: Building a Stronger Well-being towards Disaster Resilience” ay binigyang importansiya ang mga hindi matatawarang sakripisyo, mga mala-bayaning gawa, at hindi mapapantayang accomplishments at pagiging matatag sa panahon ng anumang uri ng sakuna o kalamidad ng mga healthcare worker, healthcare institution at mga katuwang na ahensiya.
Sa ginanap na flag rasing ceremony kaninang umaga, ika-31 ng Hulyo, iprinisinta ng PHO ang napanalunang plake at certificate na naunang iginawad sa ginanap na Health on Disaster Resilience kamakailan.
Kaugnay rito, ayon pa kay Umoso, kahit walang sakuna o kalamidad sa isang bayan ay regular na nagbibigay ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pamamagitan ng PHO ng health commodities sa bawat lokal na pamahalaan sa buong probinsiya upang may mga magagamit ang mga residente sa oras na kakailangin ang mga ito. Sa ngayon aniya, umabot na sa halos P400,000 na halaga ng mga health commodities gaya ng mga medical kit, hygiene kit, medical supply, at iba pa ang naibaba na sa unang dalawang quarter ng taon sa lahat ng munisipalidad sa probinsiya.