Nagsagawa ng bird flu surveillance ang Provincial Veterinary Office (PVET) ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa ilang bayan sa probinsiya.
Ayon kay Dr. Myka Ponce, Veterinarian II ng PVET, kasalukuyan ang kanilang pagkuha ng blood samples sa siyam na bayan upang matukoy kung mayroong bird flu partikular na ang avian influenza na H5N1 strain sa Cagayan.
Ang H5N1 ay isang uri ng avian influenza na sakit na galing sa domestik chicken at itik at may mataas na bilang ng mga pinapatay na manok at mayroong tsansang mahawa sa tao.
Aniya, ang surveillance ay sa pamamagitan ng pangongolekta ng blood samples at oropharyngeal swabbing sa mga alagang pato, manok at itik.
Isinagawa ang naturang hakbang sa siyam (9) na bayan kung saan umano madalas ang mga migratory birds na siyang carrier ng sakit na bird flu. Ang mga lugar na binisita ay kinabibilangan ng Aparri partikular sa barangay ng Bangag, Dodan, Navagan, Paddaya, Plaza, at Toran; sa Ballesteros ay sa barangay Baran, Cabuluan West, Fugu, Mabuttal, San Juan, at Zitanga; sa Buguey ay barangay ng Centro, Leron, Mala Weste, Sta. Maria, at Villa Leonora; ang mga barangay naman ng Abagao, Casili Sur, Cullit, Luec, Minanga at Ziminila sa Camalaniugan; sa Claveria ay sa barangay ng Culao, Magdalena, Pata East, at Pata West; ang PeƱablanca ay sa Agugaddan at Callao Proper; Sanchez Mira ay sa Centro 2, Langagan, Marzan, Namuac, Santor, at Tokitok; sa Sta. Ana ay ang Casagan, Dungeg, Marede, San Vicente, Sta. Cruz, at Tangatan; habang ang Sta. Teresita ay sa Alucao, Aridowen, Buyun, Mission, at Simbaluca.
Dagdag pa ni Ponce na lahat umano ng nakolektang blood at swabbing samples ay naisumite sa Regional Animal Disease Diagnostic Laboratory (RADDL) sa Tuguegarao City at ilalabas ang resulta pagkatapos ng isang linggo.
Ang susunod na round ng surveillance ng PVET ay isasagawa naman sa buwan ng Oktubre ngayong taon.
Sa ngayon ay wala pa naman umanong naitala na kaso ng bird flu sa Cagayan.