Labis-labis ang kasiyahang naramdaman ng mga Cagayano sa isinagawang “Artista Night Variety Show” kung saan tampok ang ilang celebrity na ginanap sa Mamba Gymnasium kasabay ng pag-anunsyo sa mga nagwagi sa “Paddarafunan Trade Fair,” kahapon, Hulyo 02, 2023.

Inorganisa ng Local Government Unit (LGU) Tuao sa pangunguna ni Mayor William Mamba ang naturang aktibidad. Bilang kinatawan ni Mayor Mamba, mainit na binati ni Tuao Sangguniang Bayan (SB) member, Marcita Mamba-Perez ang mga dumalo sa programa habang pinasalamatan naman ng Unang Ginang, Atty. Mabel Mamba ang lahat ng nakiisa sa isang buwang selebrasyon ng Aggao nac Cagayan.

Naging bahagi naman ng mensahe ng ama ng lalawigan ang pag-aalay ng isang taimtim na panalangin bilang pasasalamat kay Our Lady of Piat na ipinagdiriwaang din ang kapistahan sa kaparehong araw.

“Let us all pray for the intercession of Our lady of Piat for our dreams, for our plans, for what we want for our families, for ourselves, and for our country. We may be as old as 440 years, but our young minds keep on producing, our young minds keep on thinking for what is best for our country, for our people and most especially, our beloved province, Cagayan,” sambit ni Gob. Mamba.

Samantala, sa unang bahagi ng programang Variety Show, nagpamalas ng galing ang mga Tuaoeño sa kanilang iba’t ibang talento tulad ng pagkanta at pagsayaw.

Dumoble pa ang kasiyahan nang magsimulang umawit si Are You the Next Star Grand Winner, Geoff Taylor. Pinainit naman ng K’Dolls ang maulang gabi sa kanilang mga inihandang sayawan at tugtugan para sa mga Cagayano. Doble rin ang sayang inihatid ng Klownz at Joketime Comedy Bar talents na sina Vertex, Inday G at Ady sa kanilang mga inihandang katatawanan.

Sa kabilang dako, naghatid naman ng saya sa mga Cagayano ang mga hinahangaang artista sa Pilipinas sa isinagawang “Rio Grande De Cagayan Music Festival” na ginanap sa SM City sa lungsod ng Tuguegarao.

Pinamagatang Rio Grande De Cagayan ang music fest para sa pomosyon ng “I Love Cagayan River Movement” ng Probinsya ng Cagayan.

Ayon sa organizer ng music fest na Future 3500, layon nito na ipalaganap hindi lamang sa buong bansa sa halip ay sa buong mundo na mayroong ganitong adbokasiya ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan kasama ang mamamayang Cagayano sa pamumuno ni Governor Manuel Mamba.

Nakasama sa dalawang araw na konsyerto ang mga performer katulad ni DJ Rayven, DJ Frank, Dj Travis Monsod, Ron Henley, Dishthesalad, Loonie, Dj Them, DJ Quish Apostol, Omar, Baliw, Cong TV & Team Payaman, Kiyo, Dj Cail, at DJ Diego Brazil.