Muling nasungkit ng Aparri School of Arts and Trade (ASAT) ang kampeonato ngayong ika-apat na taon ng Sand Sculpture Competition na isinasagawa tuwing selebrasyon ng Aggao Nac Cagayan.
Ang naturang kompetisyon ay muling isinagawa kahapon, araw ng Biyernes sa ika-440 selebrasyon ng Aggao Nac Cagayan sa dalampasigan ng barangay Maura, Aparri kung saan iniaalay ito sa kagitingan ng yumaong si Vice Mayor Romel G. Alameda bilang isang lingkod-bayan.
Naiuwi ng ASAT ang cash prize na nagkakahalaga ng P35,000 kasama ang 200 sqm. na lupa na donasyon ng Vyzn Land Holdings na pagmamay-ari ni Hedel Vyn Reyes.
Ayon kay Regie Campano, guro at miyembro ng ASAT team, hindi umano sila lumahok noong nakaraang taon dahil wala silang estudyante na isasali dahil sa modular ang kanilang mode of learning kaya laking tuwa nilang muling maitanghal na kampeon ngayong ika-440 selebrasyon ng Aggao Nac Cagayan.
“We are very thankful na muli kaming naging champion after po naming hindi sumali last year because of the pandemic. Actually, karamihan po sa amin ay natulungan ni VM Alameda. Tulad ko ay isa po akong iskolar niya noong ako ay nag-aaral pa,” saad ni Campano.
Sa kabilang banda, nakuha naman ng defending champion mula sa Aparri East National High School (AENHS) ang ikalawang pwesto kung saan P20,000 ang kanilang napanalunan habang nasa ikatlong pwesto ang New Aparri Tricycle Operators and Drivers Association (NATODA) na nag-uwi ng P15,000.
Ang mga hindi nanalong koponan ay tumanggap pa rin ng P5,000 bilang consolation prize.
Samantala, nagtapos ang aktibidad sa pamamagitan ng isang beach party bilang pagkilala ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan (PGC) sa pakikiisa ng bawat Aparriano sa naganap na aktibidad lalo na ang labing siyam (19) na koponan na nagtagisan ng galing sa paghulma ng buhangin tampok ang legasiya ni VM Alameda.
Pinangunahan ng Unang Ginang na si Atty. Mabel Villarica-Mamba bilang kinatawan ni Governor Manuel Mamba ang aktibidad katuwang ang mga department head, consultants at ilang empleyado ng Kapitolyo.
“Maraming salamat po sainyong lahat sa walang sawa po ninyong suporta lalong-lalo na sa PGC family headed by our Governor, Honorable Manuel Mamba.
Patuloy po sana ninyo kaming suportahan at magkaisa po tayo sa dasal upang sa mas pinakamadaling panahon ay makamit po natin ang hustisya para sa Aparri 6,” pahayag ni Consultant on Aparri Affairs, Elizabeth Alameda, ang maybahay ni VM Alameda.