MAS MARAMING INVESTMENT, PANGAKO NG OPISIYAL PARA SA CAGAYAN

Personal na dinaluhan ni Ambassador of Taiwan to the Philippines at representative ng Taipei Economic and Cultural Office (TECO) Hon. Wallace Min-Gan Chow at Manila Economic Cultural Office (MECO) Chairman Silvestre H. Bello III kasama si Governor Manuel Mamba at Rev. Fr. Rino Guaring ang pagbasbas sa Tuao-TECO-MECO resettlement village sa Brgy Lallayug, Tuao, Cagayan ngayong Martes, Hulyo-18.

Binati ni Chow ang lahat ng mga tumulong sa aniya’y makasaysayang proyekto na sumisimbolo sa pagkakaibigan ng Taiwan at ng Pilipinas.

“I would like to express my heartfelt appreciation to everyone who have contributed to the success of this remarkable project especially to Chairman Bello and Governor Mamba,” pagbati ni Chow.

“I am proud to say that through the collaborative effort of TECO-MECO, alongside with the exceptional leadership of Governor Mamba, the village has become reality. This village stays as a strong symbol of unwavering friendship and Taiwan’s safest commitment to our closest neighbor- the Philippines,” saad pa ni Chow.

Kaugnay rito, nangako naman si Chow sa mga dumalong Cagayano na hindi na donasyon ang susunod na ibibigay ng Taiwan sa lalawigan sa halip ay mas maraming investment. Dadalhin na niya umano ang grupo ng kanyang technical team upang tingnan ang posibilidad ng pamumuhunan sa Cagayan katulad sa Aquaculture at iba pang posibleng mga proyekto.

Umaasa rin siya sa mga benepisyaryo na gawing simbolo ng panibagong pag-asa ang village at sa lalong madaling panahon ay makaahon na sila muli.

Samantala, naisakatuparan ang Tuao Teco-Meco Village dahil sa donasyon ng TECO sa MECO na $200,000 na agad namang ipinasakamay ni MECO Chair Bello sa Cagayan at inimplimenta ni Governor Mamba. Bukod sa nasabing donasyon, inisyatibo rin ng Gobernador ang pagbili sa tatlong ektaryang lupain sa resettlement area kung saan itinayo ang apartment type na establisyimento na mayroon ng suplay ng tubig at kuryente.

Sa kasalukuyan ay naninirahan ngayon sa nasabing village ang labing limang (15) pamilya na nawalan ng bahay dahil sa pananalasa ng bagyong “Paeng” noong 2022.

Samantala, nakasama rin sa programa si MECO Vice Chair Renato L. Edarle, Tuao Mayor William Mamba, Vice Mayor Francisco Mamba, lahat ng Sangguniang Bayan Member ng Tuao sa pangunguna ni SB Marcita Mamba, Barangay Officials, Philippine National Police (PNP), benepisaryo, mga empleyado at department head ng Lgu Tuao, at Kapitolyo ng Cagayan. ###