Hinimok ngayon ni Cagayan Gov. Manuel Mamba ang lahat, lalo na ang mga lokal na opisyal, na gumawa ng mga pamamaraan kung papaano bigyan ng solusyon ang problemang pangkalikasan upang hindi na magiging mas malala ang mararanasan nating epekto nito.

Ito ang naging pahayag ng gobernador matapos niyang pangunahan ang isinagawang Tree Planting activity sa Barangay Lallayug, Tuao, Cagayan ngayong araw, ika-28 ng Hunyo.

Inihalimbawa ni Gob. Mamba ang mga naging karanasan nila sa bayan ng Tuao na kahit sa kasagsagan ng kalamidad ay napilitan silang magbuhat at maglipat ng mga bahay na namemeligrong maanod dahil sa pagbaha at pagragasa ng tubig.

Ang pinakahuling insidente ay ang pagkaanod at pagkasira ng 43 bahay sa katatapos na naranasang pagbaha at malakas na pagragasa ng Chico River sa nasabing bayan.

Ito aniya, ang dahilan kung bakit patuloy na isinusulong ng kanyang administrasyon ang pangangalaga sa kalikasan.

“Importante na bigyan natin ng solusyon ang mga problema nating ito dahil kawawa yung mga anak natin. Matanda na ako, I’m 65 years old, wala na sana akong pakialam dito. Pero hindi pwede,” ayon kay Gov. Mamba.

Binigyang halaga rin nito ang pagtatanim ng mga puno at pinasalamatan ang lahat ng mga dumalo at nakiisa sa nasabing aktibidad.

Sinabi niya na kaya natin ginagawa ang pagtatanim ng mga puno sa pagbabakasakaling tutularan din tayo ng ating mga karatig-probinsya na umabuso rin sa ating kalikasan.

Maganda rin ito aniya para ipakita sa mga kabataan na tayo ay nagmamahal sa kalikasan. “We are doing this to show our children that we care for our environment, that we care for Mother Earth,” dagdag pa ng opisyal.

Samantala, labis naman ang pasasalamat ni Sangguniang Bayan Member Marcita Mamba-Perez sa mga nakilahok sa nasabing aktibidad. Si Perez ang kumatawan kay Tuao Mayor William Mamba.

Kaugnay rito, iniulat naman ni Provincial Natural Resources and Environment Office (PNREO) Head Mario Hipolito na umabot sa 1, 320 ang kabuuang narra seedling na naitanim dito ngayong araw.

Pinasalamatan din niya ang mga nakilahok dito tulad ng hanay ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), 17th IB ng Philippine Army, Non-Governmental Oganizations (NGOs), mga opisyal at kawani ng Tuao Local Government Unit at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan, Barangay Officials at mga residente.