Walong kandidata mula sa iba’t ibang bayan sa Cagayan ang nagpatalbugan para maiuwi ang korona ng Miss Pretty Preggy 2023 ngayong araw ng Biyernes, Hunyo-23 sa SM City Tuguegarao.
Mula sa talent portion, hindi nagpaawat sa pag-awit at pagsayaw ang mga kandidata kahit pa nasa ikalawang trimester na ng kanilang pagbubuntis.
Ang aktibidad ay bahagi ng Pistang Kalusugan ng Provincial Health Office (PHO) para sa selebrasyon ng 440th Aggao Nac Cagayan.
Layunin nitong maipalaganap sa buong probinsya ang ligtas at maayos na pagbubuntis hanggang sa panganganak.
Ang bawat kandidatang lumahok ay dumaan sa screening at sinigurong nasa maayos na kalagayan ng kani-kanilang Municipal Health Office (MHO).
Samantala, matapos ang ilang oras na kompetisyon, nasungkit ng bayan ng Aparri West ang koronang Pretty Preggy 2023 ng pambato nitong si Eljay Macadaeg.
Hinakot din ni Macadaeg ang ilan sa mga special awards gaya ng Miss Photogenic at Best in Casual wear.
Itinanghal namang 1st runner up si Pearljoy Morales ng bayan ng Lal-lo, at 2nd runner up si Althea Jamille Mangada ng Tuguegarao City na nasungkit din ang Best in talent.
Wagi naman sa Best in long gown ang kandidatang si Rose Ann Penol, at Karen Joy Quevo ang nagwagi bilang darling of the crowd.