Ipinasakamay na sa labing limang (15) pamilya na benepisyaryo ang mga house unit sa TECO-MECO Village o Taipei Economic and Cultural Office-Manila Economic Cultural Office sa bayan ng Tuao, ngayong Lunes Hunyo-26.
Pinangunahan mismo ni MECO Chairman Silvestro “Bebot” Bello III, Vice Chair Renato L. Edarle at Governor Manuel Mamba, Vice Mayor Francisco Mamba ang pag-turn over sa mga benepisaryo sa barangay Lallayug.
Ang labing limang (15) 4×9 unit apartment type ay itinayo sa tatlong ektarya na lupain kung saan dito inilaan ang donasyon mula sa TECO na $200,000 o katumbas ng P11.5 milyon na tinanggap ni Governor Mamba. Kompleto na rin ang village katulad ng suplay ng kuryente at tubig at gawa sa mga matitibay na materyal.
Ayon sa ama ng lalawigan, ang napiling lugar ay isang Geo-hazard area at dalawang kilometro (2km) lamang ang layo sa isang elementary at high school para sa mga anak ng mga benepisaryo.
Nagpasalamat rin si Governor Mamba kay Chairman Bello dahil sa aniya’y walang humpay na tulong para sa Cagayan.
“Ang sikreto ng buhay ay ang pagmamahalan katulad ng pagmamahal sa atin ni Secretary Bello. Let us not be materialistic. Ang importante, we enjoy the company of our people and that is what Bebot Bello is. Thank you so much,
rest assured that we will take care of these. Kahit anong tulong we will see to it that it will benefit the Cagayanos,” ani Gob Mamba.
Labis naman ang pasasalamat ng mga benepisaryo dahil sa ngayon ay mayroon na silang tirahan.
Matatandaan na limang buwan na nanatili sa evacuation center ang mga pamilya na benebisaryo matapos tangayin ng tubig-baha mula sa Chico River dahil sa bagyong “Paeng” ang kanilang kabahayan.
Nakasama rin sa programa ang lahat ng Sangguniang Bayan Member ng Tuao sa pangunguna ni SB Marcita Mamba, Barangay Officials, benepisaryo at mga empleyado ng LGU Tuao at Kapitolyo ng Cagayan.