Masayang ibinahagi ni Office of Civil Defense (OCD) Region 2 Director Leon DG Rafael, Jr. na ang katatapos na 1st Cagayan Resiliency Award 2023 ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ay kauna-unahan sa buong bansa.

Pahayag ito ng director kasabay ng isinagawang awarding ceremony ng naturang aktibidad ngayong Lunes, Hunyo 26, 2023 sa lungsod ng Tuguegarao, kung saan isa si RD Rafael Jr. sa mga guest speakers.

Ayon kay RD Rafael Jr., ito pa lamang ang unang pagkakataon na nagkaroon ng resiliency award sa buong bansa.

Aniya, malaking tulong ang aktibidad para pamarisan ng ibang lugar para mapaghandaan at maiwasan ang malubhang dulot ng anumang kalamidad at sakuna.

Ang aktibidad ay bahagi ng patuloy na selebrasyon ng ika-440 Aggao nac Cagayan.

Kaugnay rito, apat na Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ang nagwagi mula sa apat na kategorya:

Category 1: Prevention and Mitigation on tropical Cyclone/ Flooding

Winner: MDRRMO Enrile (Digital High-Powered Electronics Siren with Public Address)

CATEGORY 2: Prevention and Mitigation on tsunami/ storm surge

WINNER: MDRRMO Sanchez Mira (Project NEAT) Nurture Estuaries and Rivers by Attracting Team Work

CATEGORY 3: Prevention and Mitigation on Landslide

Winner: MDRRMO Baggao (Ilog ko Pasisiglahin ko Project)

CATEGORY 4: Disaster Preparedness

Winner: MDRRMO Lal-lo (We care Lal-lo Parogram)

Tinanggap ng apat na MDRRMO ang tig-P75,000 at plaque habang binigyan din ng Certificate of Recognition ang iba’t ibang MDRRMOs na nagpasa ng kanilang entries.

Samantala, hinimok ni Governor Manuel Mamba ang MDRRMOs kasama na ang mga Local chief Executive (LCE) na ipagpatuloy ang kanilang mga nasimulan at magtulungan upang mabigyan ng solusyon ang problema sa baha, landslide at iba pang kalamidad at sakuna.

Nagsilbi ring Guest speaker si Department of Science and Technology (DOST) Region 02 Director Virginia Bilgera, Provincial Director Loida Urmatam ng Department of the Interior and Local Government (DILG) Cagayan at Regional Director Socrates Paat Jr. ng Department of Science and Technology – Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (DOST PAGASA)

Dumalo rin sa naturang parangal si Provincial Administrator Atty. Maria Rosario Mamba-Villaflor, Pcol Julio Gorospe Jr., Provincial Director ng PNP-Cagayan; Enrile Mayor Miguel Decena, Ex-Officio Board Member (Philippine Councilors League President) Maria Rosario “Charo” Soriano, mga evaluators na sina Jed Amante Apada ng DILG Cagayan; Engr. Romeo Ganal ng PAGASA; Orlando Posadas Jr. ng OCD R02; Shally Marck Daguiao ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS ); at si Ferdinand Michael Magusib ng DOST-R02.