Tuloy-tuloy na isinasagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ang libreng kapon at ligate sa mga alagang aso at pusa sa iba’t ibang bayan sa probinsiya sa pangunguna ng Provincial Veterinary Office (PVET).
Muli itong isinagawa sa bayan ng Gonzaga kahapon, Hunyo-15 kung saan umabot sa 44 na alagang aso at pusa ang nabigyan ng libreng kapon at ligate.
Naging katuwang ng PVET sa pagsasagawa ng programang ito ang Municipal Agriculture Office (MAO) ng Gonzaga at Biyaya Animal Care (BAC) na isang Non-Government Organization (NGO) na umiikot sa buong bansa upang makipagtulungan sa mga ahensya ng gobyerno na ipatupad ang libreng serbisyo sa mga alagang hayop.
Layunin umano ng aktibidad na ito na makontrol ang pagdami ng mga alagang hayop na kadalasang pagala-gala dahil hindi na kayang alagaan pa ng mga pet owner.