Isa pang Cagayano ang nag-uwi ng bronze medal sa nagpapatuloy na #SeaGames2023 na si Zyka Angelica Santiago, tubong Peñablanca Cagayan.
Kasali si Santiago sa Mixed Freestyle Team ng Taekwondo na sumabak sa 32nd Sea Games 2023 sa bansang Cambodia.
Ito ang kauna-unahang Sea Games competition na sinalihan ni Santiago kung saan bronze medal agad ang kanyang nasungkit para sa bansa.
Ayon kay Santiago, nagsilbing inspirasyon niya ang kanyang pamilya na nagtulak sa kanya para matupad ang pangarap na makasali sa international competition.
“My family is the one who inspires me to work hard in every training and to always do my best. Marami po akong gustong maachieve, those goals reminds me to keep going and to never stop until I pursue them,” ayon sa atleta.
Si Santiago ay nagtapos ng elementarya at sekondarya sa bayan ng Peñablanca at lungsod ng Tuguegarao, habang ipinagpapatuloy naman ang kolehiyo sa De La Salle University sa kalakhang Maynila.
Samantala, dalawa din sa kagrupo ni Santiago na nag-uwi ng kaparehong medalya ay mula sa Lambak Cagayan; si Juvenile Crisostomo na tubong Nueva Vizcaya at si Nicole Ann Mccann na nagmula sa Santiago City, Isabela.