Bumuo ng “Task Force El Niño” ang Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) para matutukan at mabantayan ang posibleng epekto sa banta ng matinding tagtuyot sa probinsya.
Binuo ito sa isinagawang pagpupulong na pinangunahan ni Provincial Administrator Maria Rosario Mamba-Villaflor bilang kinatawan ni Gov. Manuel Mamba na siyang chairman ng council matapos i-anunsyo ng PAGASA ang El Niño Alert dahil 80% tiyansang maramdaman ito sa buwan ng Mayo-Hunyo at Hulyo.
Ayon kay Atty. Mamba-Villaflor, maraming mga sektor ang maaapektuhan sa problemang ito lalo na ang mga magsasaka na kailangang pagtuunan ng pansin.
Tingnan din aniya ang mga irigasyon, mga mainam na itanim sa mga panahon ng tagtuyot maging ang pagtutok sa lagay ng kalusugan ng bawat isa at mga dapat gawin para makaiwas sa sunog.
“Mahalaga na mayroong tututok sa banta ng El Niño para agad mabigyang aksyon ang mga kinakailangan at maiwasan ang matinding epekto nito sa probinsya,” saad ni Atty. Mamba-Villaflor.
Samantala, paliwanag ng Engr. Romeo Ganal ng DOST/ PAGASA, ngayong buwan ng Mayo, 21 na araw ang posibleng walang ulan, 20 na araw sa Hunyo, at 21 na araw sa Hulyo.
Ibig sabihin ayon kay Engr. Ganal na tig-sampung araw lamang sa mga nasabing buwan ang posibleng may ulan na delikado para sa mga magsasaka na magtanim ngayong wet cropping season at sa kalusugan ng bawat isa maging sa mga alagang hayop.
Dahil dito, magkakaroon muli ng pagpupulong ang council kasama ang mga iba pang concerned agencies para mabigyan ng karagdagang gabay at tulong ang mga magsasaka sa kanilang mga pagtatanim.
Kasama sa naturang pagpupulong sina Dr. Rebecca Battung ng PHO, Budget Officer Reynald Ramirez, PEO head King James Dela Cruz, PDRRMO head Rueli Rapsing, PVET, 17th Infantry Battalion, Philippine Army, PSWDO, Schools Division Office ng Cagayan, Cagelco 1, OPA, MDRRMO Baggao head Narciso Corpuz at ilang empleyado ng kapitolyo.