Ipinagkaloob ng Philippine Rice Research Institute-Rice Competitiveness Enhancement Fund (PhilRice-RCEF) sa Provincial Government of Cagayan (PGC) ang 101,555 na sako ng certified inbred seeds kahapon, Mayo 04, 2023.
Ang pamamahagi ng PhilRice-RCEF ng libreng binhing palay ay paraan upang mapalakas ang kakayahan ng mga magsasaka at upang makasabay sa pagpasok ng imported na bigas sa bansa. Layunin rin nito na mapalawak ang kaalaman ng mga magsasaka sa pagtatanim ng palay.
Ayon kay Provincial Agriculturist Pearlita Mabasa, ang ibinigay umanong mahigit 100,000 na binhi ng palay ay kayang matamnan ang nasa 46,821 na ektarya ng sakahan.
Samantala, agad ding sinimulang ipamahagi ng PhilRice at OPA ang mga binhing palay sa mga bayan sa Cagayan na maraming magsasakang nagtatanim ng certified inbred na binhi na maaaring pagkuhanan muli ng binhi sa susunod na cropping season.
Mayroon ding mga bayan sa probinsiya gaya ng mga bayan ng Rizal, Sta. Ana, at Sta. Teresita ang hindi binabaan ng binhing palay mula PhilRice-RCEF, sapagkat hybrid na palay ang pangunahin nilang itinatanim na hindi maaaring pagkuhanan ng panibagong binhi kumpara sa certified inbred rice seeds.
Ang hakbang na ito ng PhilRice-RCEF ay bahagi ng 2023 Social Mobilization para sa kanilang mga katuwang na ahensya.