Umarangkada ang 4th tranche ng “Magsakabatan Program” ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa bayan ng Camalaniugan, Cagayan.

Sa naturang programa, mismong ang mga kabataan sa 21 barangays na kinabibilangan ng barangay Abagao, Agusi, Baggao, Bantay, Bulala, Casili Norte, Catotoran Norte, Centro Norte, Centro Sur, Cullit, Dacal-Lafugu, Dammang Norte, Dammang Sur, Fusina, Gen. Batalla, Jurisdiction, Paragat, Sapping, Tagum, Tuluttuging, at Catotoran Sur ang tumanggap sa iba’t-ibang klase ng vegetable seedlings.

Ayon kay Provincial Agriculturist Pearlita P. Mabasa ang “MagSAKAbataan para sa CAGAYAN at Kinabukasan” ay isang inisyatiba sa ilalim ng programa ni Governor Manuel Mamba na No Barangay Left Behind (NBLB).

Ang hakbang na ito ng PGC ay upang ihanda at maipakita sa bawat kabataan ang kahalagahan ng pagsasaka sa pamamagitan ng pag-aalaga at pagtatanim ng mga gulay na pangunahing kailangan sa panahon ng krisis.

Matatandaan na ang “MagSAKAbataan” program ay nagsimula noong May 2020 sa Cagayan dahil sa COVID-19 pandemic.