Matagumpay na naisagawa ang Grand Field Day ng Provincial Rice Technology Forum (PRTF) at pagtatapos ng 39 na rice farmers sa kanilang Farmer Field School (FFS) sa Hybrid Rice Production sa Bessang, Allacapan, Cagayan kahapon, April-13.
Ayon kay Pearlita P. Mabasa, Provincial Agriculturist ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan na ang Grand Harvest Field Day ay pag-aani ng pananim na palay ng mga magsasaka sa panahon ng dry season.
Nagsimula umano ang pagtatanim ng hybrid na palay noong December, 2022 hanggang April, 2023. Ang makabagong teknolohiya sa pagtatanim o ang tinatawag na techno demo ay pinangunahan ng PRTF, katuwang ang iba’t ibang kumpanya ng hybrid rice at fertilizer.
Sinabi pa ni Mabasa na may kabuuang 50 ektarya ng lupa ang mga tinamnan ng palay sa Allacapan. Una na ring ipinaliwanag ng Provincial Agriculturist na sa Bessang, Allacapan lamang ang may malawak na palayan at magkakatabing lupa ng mga magsasaka.
Isang rason pa umano kung bakit inilagay ang techno demo ay dahil sa hindi pa lahat ng mga magsasaka sa Allacapan ay gumagamit ng hybrid rice.
Kasabay na rin umano sa techno demo ay ang pag-aaral ng mga magsasaka na miyembro ng Bessang Small Water Impounding System Association (BESWISA) sa Hybrid Rice Production kung saan ay nagtapos na sila kahapon.
Samantala, ang mga kumpanya ng palay na naging katuwang sa techno demo ng PRTF ay kinabibilangan ng Bayer Cropscience Inc., Corteva Agriscience, SL- Agritech Corp., LongPing Tropical Rice Development Inc., Bioseed Research Philippines Inc., Syngenta Philippines Inc., TAO Foods Company- Seed, Philippine Rice Research Institute-Isabela, Aljay Agro- Industrial Solutions Inc., Enviro Scope Synergy Inc., Leads Agriventures Corp., Green and Grow Technologies Inc., at RAMGO International Corp.
Matatandaan na noong September 2022 ay isinagawa ang wet season Grand Harvest Field Day sa Bessang, Allacapan.