Sinuklian ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pangunguna ni Gob. Manuel Mamba ang katapatan na ipinakita ng apat na high school students mula sa Piat National High School sa bayan ng Piat, Cagayan.
Matatandaang isinauli ng apat na estudyante ang perang nagkakahalaga ng P68,000 na nahulog ng driver ng jeep na si Jomar Canapi, residente ng barangay Tabang, Sto. Niño, Cagayan.
Humanga si Gob. Mamba sa katapatang ipinakita ng mga estudyanteng sina Rjay Obina Gulatera, Dany Boy Daguio, Kurt Ezequiel Baribad, at Jay Agustin kaya’t maliban sa P5,000 gift cash na tinanggap ng mga ito ay ginantimpalaan din sila ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ng scholarship assistance hanggang sila ay makapagtapos sa kolehiyo.
Kahapon, araw ng Lunes, Marso-27, personal na inihatid ng Provincial Treasury ang tig-P6,000 scholarship sa apat na estudyante para sa taong 2022. Ang kaparehong tulong ay tatanggapin ng mga ito hanggang sila ay makapagtapos sa pag-aaral.
Samantala, nagpaabot naman ng pasasalamat si Mayor Neil Guzman ng LGU Piat sa tulong na ibinigay ng Gobernador.
Binigyang-diin din niya ang pagiging mabuting ehemplo ni Gov. Mamba dahil sa pagiging tapat na ama ng lalawigan at maayos na pagsisilbi sa Cagayan.
Sa huli, hinikayat ni Mayor Guzman ang mga kawani ng kanilang lokal na pamahalaan na maging tapat sa pagbibigay serbisyo sa kanilang nasasakupan at huwag magnakaw ng oras. Aniya, maging salamin sana ang katapatang ipinakita ng mga estudyante para pamarisan pa ng nakararami.