Bilang kinatawan ni Governor Manuel Mamba, binigyang-diin ni Consultant on Education, Clarita Lunas sa mga atleta ng Cagayan ang disiplina sa sarili sa kanyang naging mensahe sa programang inihanda ng SDO Cagayan para sa pagsisimula ng kanilang in-house training na ginanap ngayong araw ng Sabado, Marso-25 sa Cagayan Sports Coliseum, Tuguegarao City.

Saad ni Lunas na ang pagkakaroon ng disiplina sa sarili ang dapat na unang taglayin ng mga atleta dahil sa pagkakaroon nito ay magiging maayos ang kanilang pagsasanay.

Inilahad din ni Lunas ang buong suporta ng ama ng lalawigan para sa delegasyon ng Cagayan na sasabak sa Cagayan Valley Regional Athletic Association (CAVRAA) Meet 2023 na gaganapin naman sa lungsod ng Ilagan sa Isabela sa Abril 24-28, 2023.

Aniya, sa nakalipas na Provincial School Board (PSB) meeting kung saan Chairman ang si Gov. Mamba, kanyang sinabi na isa sa kanilang napag-usapan ay ang paglalaan ng pondong nagkakahalaga sa mahigit P21 milyon para sa lahat ng gastusin o pangangailangan ng mga atleta mula sa in-house training hanggang sa pagsabak nila sa CAVRAA Meet 2023.

Kabilang umano sa pinondohan ay ang pagkain ng mga atleta, transportasyon, uniporme, allowance, at insentibo kung saan mabibigyan ng P10,000 ang makakakuha ng gintong medalya, P7,000 sa silver at P5,000 naman sa bronze medal.

“The Governor wants to convey his message of unity among us at sana walang marinig na problema tulad ng disgrasya at iba pa, kaya he wants you to play fairly and carefully.

Observe self-discipline and always obey what your coaches are telling you,” mensahe ni Lunas.

Samantala, buong puso namang pinasalamatan ni Assistant Schools Division Superintendent, Chelo Tangan ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pamumuno ni Gov .Mamba dahil sa walang patid nitong pagsuporta sa larangan ng edukasyon kabilang na ang sports.

Aniya, sa mga nakalipas na taon ay damang-dama ng kanilang sektor ang pagpapahalaga ng ama ng lalawigan sa mga programa at aktibidad na kanilang isinasagawa.

At bilang ganti aniya ay hiniling naman niya sa mga atleta na pagbutihin nila ang kanilang pagsasanay upang ang Cagayan ay, “Agga Number 1” o mananatiling, Number 1.

“Maraming salamat sa Provincial Government of Cagayan headed by our Governor Manuel Mamba sa lahat ng suportang kanyang binibigay sa SDO Cagayan.

Malaking bagay sa atin na libre ang lahat para sa nalalapit na CAVRAA. Kaya naman, paghusayan ninyo ang inyong pagsasanay,” pahayag ni Tangan.

Matapos ang ilang taon na naantala ang pagsasagawa ng CAVRAA, ay excited naman ngayon ang mga atleta ani Tangan lalo na ang mga kinatawan ng mga paaralan sa elementarya dahil kabilang na rin sila sa mga sasabak sa CAVRAA.