Sa mga isinagawang pagsasanay ng mga magsasaka sa Cagayan Farm School and Agri-tourism Center sa Anquiray, Amulung, may 1,299 na ang nakapagtapos dito.
Ang iba’t ibang serye ng training ay nagsimula pa noong 2016 hanggang 2022.
Ito ay ayon kay Provincial Agriculturist Pearlita P. Mabasa ng Pamahalaang Panlalawigan Cagayan.
Sa datos ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA), ang mga sumailalim sa regular rice production training ay 236 farmers, sa rice production na mula sa Technical Education and Skill Development Authority oTESDA ay 388 farmers, sa corn production ay 325 farmers, at ang vegetable production ay 350 na mga magsasaka ang nakapagtapos.
Kaugnay nito, ngayong 2023 naman umano ay patuloy ang pag-aaral at pagsasanay ng 25 rice farmers, 32 corn farmers, at 35 na Rural Improvement Club (RIC) members para sa kanilang vegetable production.
Pahayag ni Mabasa na ang training ng mga magsasaka ay sinisimulan sa pag-aaral ng mga dapat gawin sa produksyon, makabagong teknolohiya sa seedlings preparation at production, preparasyon sa lugar ng pagtatamnan, tamang proseso ng pag-aalaga ng pananim, paggamit ng organic fertilizer, at ang makabagong paraan rin ng pag-aani ng iba’t ibang produkto.
Unang pinaliwanag ni Mabasa na ang mga pagsasanay ay nasa loob ng 16 na linggo kung saan ay itinatakda sa bawat araw ng Huwebes at Biyernes sa Farm School.
Layon nito na maihanda ang mga magsasakang Cagayano sa plano ni Governor Manuel Mamba na mabuksan ang international seaport at iba pang malalaking proyekto na nasa Cagayan International Gateway Project (CIGP).