Bilang bahagi ng pagdiriwang sa buwan ng mga kababaihan, ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan (PGC) sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) ay magbabahagi ng Tulong Pangkabuhayan sa sektor ng kababaihan sa iba’t- ibang bayan sa lalawigan.

Partikular na mapagkakalooban ay ang mga miyembro ng iba’t ibang grupo ng kababaihan tulad ng Kalipunan ng Liping Pilipino (KALIPI) Women.

Ayon kay Rose Mandac, Social Welfare Officer IV ng PSWDO, una umanong mabibigyan ang grupo ng mga kababaihan sa iba’t ibang munisipalidad na nakapagsumite ng listahan ng mga potential beneficiary at nakapagkumpleto ng kanilang dokumento para sa Tulong Pangkabuhayan.

Sa Marso-11, ay unang magtutungo sa bayan ng Camalaniugan ang grupo ng PSWDO sa pamumuno ni PSWD Officer Helen Donato upang magbahagi ng cash para sa Tulong Pangkabuhayan. At sa mga susunod na araw ay lalarga naman sila sa iba pang bayan ng lalawigan.

Ayon pa kay Mandac, halagang P10,000, P15,000, at P20,000 ang ipapamahagi ng PSWDO depende sa natukoy na pangkabuhayan ng bawat benepisaryo.

Bago naman sa ipamamahaging cash ay sasailalim muna sa orientation ang mga benepisaryo upang bigyan nila ng kahalagahan ang tulong na ibabahagi sa kanila ng PGC habang ang iba naman na sumailalim sa perfume making na siyang patok ngayon na gawing negosyo ay magiging dagdag puhunan nila ang tulong pinansyal.

Humigit-kumulang P1milyon ani Mandac ang kabuuang halaga na ipapamahagi sa mga benepisaryo ng tulong pangkabuhayan.

Samantala, bukod sa pamamahagi ng tulong pangkabuhayan ay nauna na ring nagsabit ng mga tarpaulin sa mga istratehikong lugar ang mga empleyado ng PGC maging ang mga kinatawan ng MSWDO ng bawat bayan bilang Kick-off ng selebrasyon.

Ang pagsasabit ng mga tarpaulin ani Mandac ay may layuning paalalahanan ang bawat isa na anumang kasarian ay pantay lamang ang estado sa lipunan tulad ng pahayag sa tema ng selebrasyon na, “WE for Gender Equality & Inclusive Society”.

Layunin naman ng pamamahagi ng tulong pangkabuhayan ay upang mai-angat ang pamumuhay ng mga Cagayano.