Naging tampok sa pagbubukas ng National Arts Month Celebration ng Cagayan Museum and Historical Research Center ang “Bannag” art exhibit ni Ted Baquiran, na ginanap kahapon, February-08.

Ang aktibidad ay bahagi din ng pagdiriwang ng ikatlong annibersaryo ng “I Love Cagayan River” Movement ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan.

Iprinisenta dito ang mga obra maestra ni Tadeo “Ted” Malana Baquiran at ang limbag-kamay ng kanyang anak na si Mielmia Marie Taguba Baquiran, at apo na si Ninotchka Karenin Taguba Baquiran- tatlong henerasyon ng lokal na manlilikha mula sa isang pamilya.

Ang mga local artist ng Tuguegarao City ay nanguna sa ribbon-cutting ceremony at kasama ang Unang Ginang ng Cagayan na si Atty. Mabel Villarica-Mamba bilang Patron of the Arts at pangunahing pandangal. Maging si Jenifer Junio-Baquiran, head ng Cagayan Provincial Tourism Office at Niño Kevin Baclig Cagayan Museum Director-Curator.

Ipinakita sa nasabing exhibit ang pitong (7) limbag ni Ted Baquiran na may temang “Cagayan River Series” na may mga pamagat tulad ng “Fugac Tac Gatac,” “Sitaw Ka Ngana,” “Paddupang,” “Si Eping Anni Juaning,” “The Confluence,” “Immammo Ta Zigattu,” at “Lubbe Ngana si Kakay.”

Kabilang rin dito ang walong “Blooms” series ni Mielmia Marie Baquiran na gamit ang watercolor at ang tatlong (3) oil on canvas seascapes ni Ninotchka Karenin Baquiran na may pamagat na “High Tide,” “The Northern Shore,” at “Ilaw at Tubig.”

Sa programang naganap matapos buksan ang exhibit, malugod namang binati ni Baclig ang mga local artist sa kanilang pagtatampok ng mga obra sa Cagayan Museum, at isang maiinit na pagbati at pasasalamat ang kanyang inihayag sa lahat ng dumalo.

Ayon kay Atty. Villarica-Mamba, isang inspirasyon sa lahat ang pagiging local artists ng pamilya Baquiran at umaasa siya na mas makikila at madidiskubre pa ang mga may angking talento sa pagguhit sa Cagayan. Aniya, napakahitik ng talento ng mga Cagayano at tunay ngang dapat ipagmalaki at patuloy na itaguyod.

“Isa sa pangarap ko na sa bawat tahanang Cagayano, mayroong art work na gawa ng isang manlilikhang Cagayano. Salamat Maestro Ted, Mia, and Ninotchka because your art represent the past, the present and the future of the Cagayano art and artists,” sambit ni Atty. Mabel Mamba.

Nagpasalamat naman si Ted Baquiran sa suporta ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan, lalo kay Governor Manuel Mamba at sa unang ginang na si Atty. Villarica-Mamba sa suporta sa kanilang pamilya sa paglilikha, maging sa suporta nila sa Cagayano artists.

Kanya ding pinasalamatan si Baclig at ang buong Cagayan Museum sa pagtatampok sa kanilang pamilya sa pagbubukas ng National Arts Month. Isang karangalan aniya na maitampok ang tatlong henerasyon ng manlilikhang “Baquiran” sa Cagayan Museum.

Sinabi din ni Ted Baquiran na iniaalay niya ang kanyang mga obra maestra sa lahat ng Cagayano na sana’t maging bahagi sa pagpapaganda at pangangalaga ng Cagayan River, na itiuturing niyang kaibigan mula noong bata siya at ngayon na siya ay nasa kanyang “sunset years.”

Sambit niya na naging inspirasyon niya ang Ilog Cagayan sa pagpipinta dahil naging bahagi ito ng kanyang kabataan at kanyang hinimok, lalo ang kabataan sa ngayon na sana ang ilog at ang kalikasan ay magsilbing inspirasyon sa kanilang buhay, lalo sa pgalikha at sa kanilang buong pagkatao.

Ang pagbubukas ng exhibit ay dinaluhan din ng iba’t ibang bisita, kasama ang mga dating Regional Directors ng Department of Tourism R02 na si Fanibeth Domingo, at POPCOM na si Mia Ventura. Naging bahagi din ng event ang mga miyembro ng Cagayano Artists Group, Inc. (CAGI) sa pangunguna ng kanilang President na si Lucio Taguiam.

Nakiisa rin sa nasabing aktibidad ang pamilya, kaibigan, at kakilala ng pamilya Baquiran, maging ang ilang empleyado ng Kapitolyo, ilang ahensya ng gobyerno at Department Heads ng Provincial Government of Cagayan.

Samantala, magtutuloy-tuloy naman ang exhibitions ng Cagayan Museum sa pakikipag-ugnayan sa CAGI para sa iba pang aktibidad para sa National Arts Month. Magkakaroon din ng art exhibit na SM Downtown Tuguegarao sa Pebrero-10, Robinson’s Place sa Pebrero-15, at sa SM City sa Pebrero-20.

Isang pakulo naman ang isinagawa ng Cagayan Museum na National Arts Month passport, kung saan ang lahat ay inaanyayahan na dumalo sa mga art exhibit, magtungo sa mga Visitor’s Pavilion ng PGC, bumisita sa Cagayan Provincial Learning and Resource Center, matanim ng puno, at bumili ng art sa mga Cagayano artist. Ang makakapagkolekta ng stamps sa “passport” ay mananalo naman ng premyo mula sa Cagayan Museum.