Naging maayos ang pagsasagawa ng eksperimento sa panukalang zero-gravity experiment ng isang Cagayano student na si William Kevin Abran, third year student sa Unibersidad ng Pilipinas Los Baños, Laguna na mula sa Brgy. Callungan, Sanchez Mira, Cagayan.
Ang Astronaut na si Dr. Koichi Wakata ng International Space Station (ISS) ang siyang nagsagawa ng eksperimento na gawa ni Abran sa Japanese Experimental Module, na nagpapakita kung paano kumikilos ang mga dumbbell-shaped object sa kalawakan.
“Maayos naman po yung naging conduct ng experiment. Tama naman po yung inaasahan namin na mangyayari sa mga object na inobserve. Tinest po namin kung magiging stable po yung rotation ng mga object na ito (Dumbbell shapes) sa space. Tinest po namin ito dahil may mga ilang hugis po ng bagay na kapag pinaikot sa space, bigla po silang bumabaliktad ng ikot nang hindi hinahawakan. Pero napakita po namin na stable naman po yung pag ikot ng Dumbbell shapes na ito,” pahayag ni Abran.
Ayon kay Abran, kahit simple lamang ang kanyang ginagawang pag-aaral ukol sa dumbbell shape objects ay malaking bagay na umano ito upang sa susunod na magpapadala ng mga gamit sa kalawakan ay kaya nang ma-predict ang mga magiging galaw ng mga bagay.
Samantala, dahil sa maayos at matagumpay na pagsasagawa ng eksperimento sa mga dumbbell shape object, inaasahan ni Abran na magpa-publish sila sa mga susunod na buwan ng research paper mula sa naging resulta ng eksperimento.