Labis ang pasasalamat ng Rural Health Unit (RHU) ng Aparri West sa natanggap na transport vehicle mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan.
Sa naganap na turn-over ceremony ngayong araw, Enero 25 sa tanggapan ng RHU Aparri West sa Barangay Bukig, inihayag ni Dr. Cristina Agtarap, Municipal Health Officer sa Aparri West, ang kanyang pasasalamat kay Governor Manuel Mamba sa patuloy na pagbibigay suporta sa kanilang pagamutan.
Ayon kay Dr. Agtarap, magkakalayo ang mga barangay sa kanyang nasasakupang lugar kung kaya’t malaking tulong aniya ang naibigay na transport vehicle para mas mabilis na maiparating sa kanilang constituents ang mga healthcare service.
Ipinarating din ni Maximo Capia, bilang kinatawan ni Aparri Mayor Bryan Dale Chan, ang kanyang pasasalamat sa ama ng lalawigan, maging sa lahat ng empleyado ng PGC dahil sa patuloy na pagbibigay suporta sa lahat ng programa para sa Aparri. Aniya, “basta Governor Manuel Mamba, maasahan sa serbisyo para sa ating probinsya.”
Dagdag naman ni Aparri Vice Mayor Rommel Alameda na bukod sa pagsuporta sa health sector ng PGC sa kanilang bayan ay naging maayos at napapakinabangan na rin ng kanilang mga residente ang mga provincial road dito. Nagpahayag din si Vice Mayor Alameda ng kaniyang pasasalamat sa ama ng lalawigan.
Samantala, sinabi ni Governor Mamba na ang magandang kalusugan ng mga Cagayano ang kanyang prayoridad kaya suportado niya ang lahat ng mga programa at aktibidad ng naturang sektor.
Hiniling din ng Gobernador ang pagsuporta sa muling pagbubukas ng port of Aparri na umano’y malaking tulong para sa pagpapa-angat ng ekonomiya ng lalawigan.
Ang turn-over ceremony ay sinaksihan din ng mga department head ng Kapitolyo, mga consultant, barangay officials, at mga kawani ng RHU.