Masayang ibinahagi ng Cagayan Provincial Health Office sa pangunguna ni Provincial Health Officer Dr. Carlos Cortina na ang Cagayan ay 100% na sa preparatory level para sa Universal Health Care (UHC) Law.
Sa naganap na Provincial Health Board Meeting ngayong araw, Enero-26, sa Sub-Capitol, Lal-lo, Cagayan, ipinakita ni Dr. Rebecca Battung, Assistant Provincial Health Officer, ang isang presentasyon kung saan naging mabilis ang pag-angat ng porsyente ng preparatory level para sa UHC ngayong taon.
Ayon kay Dr. Battung, Abril noong nakaraang taon nang kanila itong sinimulan at dahil sa pakikipagtulungan ng kanilang mga kawani para sa mga kinakailangang dokumento, ay agad itong nagawa.
Sa ngayon, batay sa ibinahaging datos ng PHO, ang organizational level ng UHC sa probinsya ay 25% na ang “achieved”, 44.4% ang “on going” habang sa functional level ay 10% na ang “achieved” at 30% naman ang “on going.”
Paliwanag ni Dr. Cortina, ang UHC ay may layuning bigyan ng access at tulungan ang lahat ng Filipino para sa dekalidad at abot-kayang serbisyong pangkalusugan nang walang dapat ipangamba o alalahanin sa gastusin.
Ibinahagi rin ng Provincial Department of Health Office (PDOHO) na may mga kasalukuyan nang ginagawang “super health center” sa lalawigan na makakatulong sa publiko lalo na ang mga may karamdaman.
Kaugnay nito, sinabi ni Governor Manuel Mamba na siya ring chairman ng board, na ang programang ito ay malaking tulong sa bawat Cagayano kung kaya’t kanyang hiniling ang pagkakaisa at pagtutulungan ng bawat miyembro ng board.
Ayon sa ama ng lalawigan, bukod sa sakit ay marami rin ang naitatalang naaaksidente na karamihan ay sangkot sa motorcycle accident kung kaya’t ito rin umano ang dapat pagtuunan ng pansin.
Ang naturang pagpupulong ay dinaluhan din ng mga department head at ilang kawani ng kapitolyo.