Kabuuang 1,131 na mga residente mula sa barangay Jurisdiccion, Pagbangkeruan, at Damurog sa bayan ng Alcala ang nakatanggap ng ayuda mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan (PGC).
Ang distribusyon ng ayuda ay pinangunahan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) sa pakikipagtulungan ng tanggapan ni Senator Sonny Angara.
Lubos naman ang pasasalamat ng mga residente sa kanilang natanggap na ayuda.
Ayon sa pahayag ni Shirley Contillo na residente ng Damurog pang-apat na araw na umano nila na pangkain ang kanilang natanggap.
“Agyaman nak ma’am iti daytuy nga inted da kanyami gamin manu manen nga aldaw nga maitawid min gapu dayta nga naala mi. Sa maysa, nagngina pay ti magatang a grocery items tatta. Isu agyam-yaman kami la unay ta makatipid kami,” pahayag ni Contillo.
Saad naman ni Nanet Dionicio ng barangay Jurisdiccion, na malaking tulong din sa kanila ang ipinamahaging ayuda lalo na ang potable water dahil kailangan umano ito ng kanyang bunsong anak.
“Nagrigat ‘ti danum dituy ayan mi. Nu awan kwartam panggatang iti mineral ket mapilitan ka nga makisakdu idiay karruba sa muntu isagat ken paburiken tapno mabalin nga mainum isu nga mayat ta adda met danum nga inted da kanyami,” saad ni Dionicio.
Bukod sa mga residente, ay lubos din ang pasasalamat ng staff ni Senator Sonny Angara na si Ralph Silva na siyang kumatawan sa Senador upang ibigay ang kanilang donasyon sa PGC at ipamahagi ito sa mga lubhang nasalanta ng sunod-sunod na bagyo sa lalawigan.
“Ako po ay nagpapasalamat sa Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa kanilang suporta at mainit na pagtanggap sa akin.
Lalong-lalo na po sa mga Cagayano na napakabait at very welcoming. Makakaasa po kayo na si Senator Angara ay laging nakaalalay at handang tumulong sa oras ng pangangailangan,” aniya.
Ang mga ipinamahagi ng PGC na ayuda sa bawat indibidwal ay naglalaman ng bigas, grocery items at isang 7-liter na tubig.
Bukas ay lalarga naman ang relief team ng PSWDO sa lungsod ng Tuguegarao.