Isang grupo ng mga Mixed Martial Arts athletes mula sa Silverback MMA Team sa Tuguegarao City, Cagayan ang nakakuha ng mga titulo sa katatapos na Elorde Fight Yard Competition sa Tandang Sora, Quezon City nito lamang Oktubre 22-23, 2022.
Bukod sa mga titulong napanalunan, ang mga fighters ay nanalo rin ng kampeonato sa parehong promosyon noong Hulyo 31, 2022.
Nanalo si Jay-Ar Irang sa pamamagitan ng first round submission sa MMA event laban sa isang experienced fighter sa PRO-AMs sa flyweight division na nagpataas ng kanyang record sa 3-0.
Nanalo rin si Jay-Ar noong Hulyo sa pamamagitan ng devastating ground at pound TKO sa parehong dibisyon.
Samantala, nasungkit ng kanyang kapatid na si ElJhay Irang ang ‘fight of the night’ sa kanyang MMA debut matapos talunin ng isang beterano sa isang dikit na laban sa pamamagitan ng split decision sa MMA Bantamweight division.
Gayunpaman, nasungkit ni ElJhay Irang ang bronze medal para sa NO GI JIU-JITSU noong Hulyo 31 sa parehong dibisyon.
Nito namang buwan ng Hulyo, nanalo rin si Silverback MMA Head Coach at MMA Fighter Joseph Lim kasama ang kanyang kapatid na si Mike Lim Jr. sa Heavyweight (88+kg) NO GI JIU-JITSU competition na nag-uwi ng Championship gold para sa Cagayan.
Nakuha naman nina Kelvin Macarubbo at Mike Lim Jr. ang championship gold sa middleweight division (85kg below) ng NO GI JIU-JITSU tournament noong Oktubre 22-23.
Sa ngayon, lahat ng mga fighters ay nagsasanay na para sa international Jiu-Jitsu tournament sa Tarlac City na nakatakda sa Enero 2023.