Binuksan ngayong araw, Oktubre-17 ang Cagayan THRIVES (Tourism and Hospitality for Resilience, Inclusivity, Vibrancy, Empowerment, and Sustainability) Digital Art Exhibit at Cagayan Product Hub sa Cagayan Museum and Historical Research Center, Tuguegarao City.
Ito ay pinangunahan ni Provincial Administrator Atty. Maria Rosario Mamba-Villaflor at Jenifer Junio-Baquiran, Officer-in-charge ng Provincial Tourism Office.
Ang Cagayan THRIVES ay tema ng Cagayan Provincial Tourism na inilunsad noong 2020 bilang pagbangon ng tourism industry sa lalawigan matapos ang halos dalawang taon na pagkalugmok ng industriya sa pandemiya.
Ayon kay Junio-Baquiran, ang Cagayan THRIVES Digital art Competition ay isa sa mga aktibidad na isinagawa upang ipakita ang talento ng mga Cagayano artist at i-promote ang turismo.
“The event is to celebrate tourism as a promoter of arts in communities, to give an avenue for digital artists to showcase their talent and of course, to promote tourism awareness and appreciation through digital art. Bahagi din dito ang pag-celebrate ng Museum and Galleries Month ngayong Oktubre.
Kaya naman kasama natin sa aktibidad na ito ang Cagayan Museum and Historical Research Center,” sambit ni Junio-Baquiran.
Inanunsiyo naman ang mga nanalo sa Digital Art Competition sa nasabing aktibidad na bahagi pa din ng selebrasyon ng Tourism Month noong nakaraang buwan. Nagkaroon ng awarding sa mga nanalo at pinangunahan nina Atty. Mamba-Villaflor at Junio-Baquiran ang paggawad sa mga premyo ng mga ito.
Sa kanyang mensahe, ipinaliwanag naman ni Atty. Mamba-Villaflor ang mga plano at proyekto ni Governor Manuel Mamba na nakapaloob sa CAGANDA 2025. Aniya, sa pagbubukas ng Cagayan sa mundo, lalo sa larangan ng turismo sa pamamagitan ng malalaking proyekto nito, malaki ang papel na gagampanan ng mga kabataan.
“I encourage you to be with us,” ang paghihimok niya sa mga dumalo sa nasabing aktibidad. Kanya ding binati ang mga 19 na sumali sa digital art competition na kinabibilangan ng mga college student. Sambit niya na sadyang napakahusay ng talentong Cagayano.
Ang nanalo bilang 1st placer ay ang “Mosaic of Cagayan” entry ni Clarry Jones Rabaja. Nasungkit naman ni James Perlas ang pangalawang pwesto sa kanyang entry na “All The Light We Can See. Ang third place ay ang entry na “We Grow, We Glow” ni Vin Joezer Taguinod.
Tumanggap ang mga nanalo ng plaques, certificates at cash prizes (P10,000 sa 1st placer, P7,000 sa 2nd placer, at P5,000 sa 3rd placer) at consolation prizes naman na P2,500 para sa 15 semi-finalists.
Makikita naman sa naturang exhibit ang lahat ng entries sa nasabing kompetisyon. Ang Digital Art Exhibit ay matutunghayan sa Cagayan Museum hanggang Nobyembre-17.
Samantala, inilunsad din ang bagong Cagayan Product Hub and Museum Gift Shop sa mismong Cagayan Museum kung saan makikita at mabibili ang iba’t ibang produkto at souvenir items dito.
Sinabi ni Junio-Baquiran na ang product hub na makikita sa panlalawigan museo ang pang-apat na PGC-managed sa buong probinsiya na naitayo para sa mga turista. Ang tatlo ay makikita sa Nassiping Eco-park sa Gattaran; Cagayan Animal Breeding Station sa Zitanga, Ballesteros; at sa Commissary sa Capitol, Penablanca.
“Isa sa mga adhikain ng ating product hub, bukod sa mai-showcase ang ating mga ipinagmamalaking produkto ay gusto din nating tulungan ang ating mga small and medium-scale enterprises. Sa pamamagitan din nito, nahihikayat natin ang ating mga kababayan to “buy local’ at ipagmalaki ang ating sariling atin,” sambit niya.
Kasama din aniya ang pagpapakita sa mga serbisyo ng Cagayan Museum bilang isa sa mga tourism site ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan.