Patuloy na ginagampan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ang pagpapatayo ng Senior High School Gymnasium sa lahat ng 104 public high school sa buong lalawigan bago matapos ang termino ni Gob. Manuel N. Mamba.
Ang pagpapatayo ng Senior High School Gymnasium ay isa sa mga programang naging prayoridad ni Gob. Mamba para sa sector ng edukasyon at kabataan sa ilalim ng Special Education Fund (SEF) kung saan aabot na ngayon sa 70 gymnasium ang naipatayo.
Ayon kay Gob. Mamba, mapapatayuan lahat ng 104 public high school sa Cagayan ng sarili nilang gymnasium bago matapos ang kanyang termino.
“Tatapusin natin lahat ang 104 na public high schools na mayroon tayo. Pipilitin natin na mabigyan lahat ng multi-purpose building para magamit nila lalo na ngayong anim na taon na ang high school,” ani Gob. Mamba.
Liban dito, nabatid din mula sa Gobernador na isasaayos rin ang mga pasilidad ng mga Kindergarten sa probinsiya sa oras na matapos lahat ang mga ipinapatayong Senior High School Gymnasium.
“Importanteng kumpletuhin natin ang pasilidad ng eskwela nila para ma-enjoy nila ang basic education. Pupunan natin ang mga pagkukulang.
Later, yung Kindergarten naman ang bibigyan natin ng maayos na mga pasilidad,” sambit ng Gobernador.
Samantala, kahapon, Oktubre-17 pinasinayaan at itinurn-over ang bagong ipinatayong school gymnasium sa Amulung National High School Baculud-Annex na pinangunahan ni Gob. Mamba kung saan laking pasasalamat ng mga estudyante at guro ng naturang eskwela sa Gobernador sa pagsasakatuparan ng kanilang pangarap na magkaroon ng bagong gymnasium.
Ang naturang proyekto ay nagkakahalaga ng P3.5 milyon na sinimulan ang konstruksyon noong Abril -07 ng kasalukuyang taon at natapos ito ngayong buwan ng Oktubre.