Muling hinimok ni Governor Manuel Mamba ang mga guro, mag-aaral, at mga residente ng bayan ng Enrile na maging bukas ang pananaw sa mas magandang kinabukasan, kasabay ng pagpapasinaya sa bagong Senior High School gym ng Magalalag National High, ngayong araw, Oktubre-18.
Aniya, kailangan nang lumabas sa “comfort zone” o nakagawian maging sa status quo upang magbigay daan sa mas magandang oportunidad. Ito aniya ay sa pamamagitan ng pagtanggap at matuto sa mga malalapit na mayamang bansa katulad ng China na numero unong manufacturing country sa buong mundo.
Humingi rin ng paumanhin ang pinuno kung minsan aniya na nagagalit ito dahil sa nakikitang palpak o mali na gawain. Kailangan na kasi aniyang baguhin ang kinagawian upang hindi na mananatiling lugmok sa kahirapan ang mga Cagayano. Ito rin ani Gob Mamba ang dahilan kung bakit niya gustong maisakatuparan ang malaking proyekto na Cagayan International Gateway Project na magbibigay ng malaking oportunidad sa mga Cagayano.
“I just want you to see where we are Our problems could never be solved. So we should open our eyes; our hearts to know and to learn from other nations around us,” ani Gob. Mamba.
Kaugnay nito, naging emosyonal naman si Mayor Miguel Decena Jr. sa kanyang naging mensahe. Ito ay dahil hindi umano natupad ang inaasahan ng alkalde sa kanyang mga kababayan na piliin ng tama ang kanilang iluluklok na lider ng probinsiya. Sa kabila kasi umano ng tulong na ibinaba ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamumuno ni Gob. Mamba ay tila hindi ikinonsidera ito ng kanyang mga kababayan.
“Paulit-ulit kong sinasabi sa inyong lahat, you are longing for development then choose the right person that can deliver. And for sure Governor Mamba can deliver more than of what you are expecting to those who just buying your vote,” saad ni Decena.
Samantala, itinuturing naman ni Diego Quinto, Principal ng Magalalag National High na isang “Friendship Gym” ang bagong pasilidad. Ito ayon sa Principal ay dahil matagal na rin silang magkakilala ng punong ehekutibo at noong tinanong umano siya ng Gobernador kung anong proyekto ang nais nito na maipatupad sa kanyang pinamumunuan na eskwela ay kanyang binanggit ang school gym. Nangako naman ito na kanilang aalagaan at gagamitin nang tama ang ipinatayo na gymnasium.
Sa ngayon ay mayroon ng 71 na high school gym sa Cagayan ang natapos sa ilalim lamang ng administrasyon ni Governor Mamba.