Nagsimula na ang paglalagay ng solar streetlights sa mga provincial roads sa probinsiya ng Cagayan.
Ayon kay Governor Manuel Mamba, layunin ng nasabing hakbang na maging ligtas ang mga motorista at mga mamamayang Cagayano sa kanilang biyahe.
Madalas na maraming mga dumadaan at madilim ang kalsada na dahilan rin aniya ng mga aksidente.
Inatasan ni Gob. Mamba ang Provincial Engineering Office sa pagsasagawa ng nasabing proyekto. Sa ngayon ay sinimulan na ang paglalagay ng solar streetlights sa mga bayan ng Sto. Niño, Tuao, at Piat.
Nasa 60 metro ang layo ng bawat streetlights at nasa iisang side lamang. Ito ay upang may espasyo pa umano kung madadagdagan ang nasabing mga streetlights.
Matatandaan na bumili ng nasa 2,680 na solar streetlights ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan kung saan ilalagay lahat ito sa mga provincial roads.
Pinondohan naman ito ng P62 milyon mula sa “No Barangay Left Behind” o NBLB at Local Government Support Fund o LGSF. (Bernadeth Heralde)
*NOTE: The article is written originally in Filipino. If there is a mistake in translation to English, your phone is probably on automatic google translate. Thank you.
(Nakasulat po sa wikang Pilipino ang artikulo. Kung may mali sa pagkakalapat ng ingles, marahil ay nasa “automatic google translate” ang inyong cellphone. Salamat po.