Umabot na sa 5,237 ang mga estudyanteng nabigyan ng tulong pinansyal ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region II sa ilalim ng “Assistance for Individual in Crisis Situation” sa probinsya ng Cagayan na nagsimula nitong Agosto 20, 2022.
Sa ginanap na “Kapehan sa Kapitolyo” program ng Cagayan Provincial Information Office, sinabi ni Franco Lopez, OIC-ARD for Operations at Concurrent Chief Protective Service Division ng DSWD R02, mula sa nasabing bilang ay mahigit P15 milyon halaga na ang kanilang naipamigay sa probinsya ng Cagayan.
Ayon kay Lopez, sa buong rehiyon dos ay 20,000 ng estudyante ang kanila nang nabigyan ng naturang tulong na nagkakahalaga naman ng P49 milyon.
Aniya, target tapusin ng kanilang opisina ang pamamahagi ng financial assistance hanggang nitong Setyembre 24, na unang naging programa ni DSWD Secretary Erwin Tulfo.
Dahil dito, patuloy ang pag-iikot ng kanilang mga kawani at nitong nakaraang linggo ay sinabi ni Lopez na natapos na ang mga bayan mula sa 1st district sa lalawigan, maliban lamang sa Lal-lo dahil may gumamit umano sa kanilang gymnasium at muli itong magpapatuloy sa mga bayan na nasasakupan ng 2nd district sa darating na Sabado.
Paliwanag ni Lopez, sa ngayon ay inuunang tinatapos ng kanilang opisina na mabigyan ang lahat ng mga mag-aaral na nagpasa ng dokumento noong unang araw ng pamamahagi ng tulong.
Ngunit, nilinaw naman ni Lopez na patuloy pa rin ang pagtanggap ng mga aplikante sa pamamagitan ng online, pero kung walang access sa internet ay sinabi ng opisyal na personal na makipag-ugnayan sa kanilang Local Government Unit (LGU) na siyang katuwang ng ahensya sa programa.
Tiniyak naman ni Lopez, na walang nangyayaring palakasan dahil may sinusundan umano silang listahan ng mga pangalan ng mga pumasang beneficiaries na bibigyan.
Ang programang ito ng DSWD ay para sa lahat ng mga estudyanteng anak ng mahihirap kung saan makakatanggap ng P1,000 para sa mga estudyante sa elementarya, P2,000 para sa high school, P3,000 para sa Senior High School, at P4,000 para sa kolehiyo o vocational school.
Hanggang tatlong estudyante sa isang pamilya ang maaaring mag-apply ng naturang cash assistance.