Pinangunahan ni Governor Manuel N. Mamba ang pagpapasinaya at pagbasbas sa farmers dormitory at staff house sa Cagayan Farm School and Agri-tourism Center sa Anquiray, Amulung ngayong Miyerkules, Agosto-17.
Sa naging mensahe ni Gov. Mamba, sinabi niya na ang mga pasilidad sa farm school ay napakahalaga para sa skills training, eco-tourism at magagamit rin sa sports training ng mga atletang Cagayano sa mga darating na araw kapag natapos na ang ginagawang gymnasium.
Ang mga pagsasanay aniya na hatid ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ay libre para sa mga nais matuto sa larangan ng agrikultura. Paghahanda umano ito para sa pakikipagkalakalan ng Cagayan sa mga mayayamang bansa.
“Kailangan na habang maaga ay magsanay na tayo, lalo ang mga kabataan para buhayin natin ang koneksyon ng Cagayan sa mga mayayamang bansa. Lahat ng produkto natin dito ay kailangan na mayroon tayong mapagbentahan.
Hindi tayo aasenso kung ang simpleng malunggay ay hanggang sa mga kapit-bahay lamang natin.
Palaguhin natin ang ating food production upang handa na tayo kapag nabuksan muli ang Port of Aparri, may international airport, international seaport, smart city at railways system ang Cagayan,” giit ni Gov. Mamba.
Dagdag pa ng ama ng Cagayan na mahalagang makapagsanay at may disiplina ang bawat isa para sa magandang direksyon ng Cagayan na aniya’y ito rin ay para sa kinabukasan ng mga susunod na henerasyon.
“Let us work as a team. Magtulungan tayo para maabot natin ang ating mga pangarap na umasenso ang ating buhay at siyempre ang Cagayan,” saad pa niya.
Ayon naman kay Provincial Agriculturist Pearlita P. Mabasa, ang pinasinayaang farmers dormitory ay nagkakahalaga ng P23.7 milyon na may kapasidad na 128 katao.
Maliban sa mga gamit sa walong silid nito, ay mayroong cafeteria area, executive room, opisina ng dorm warden. Ang ibang kagamitan sa loob ng naturang pasilidad ay nagkakahalaga naman ng P2.7 milyon.
Ang staff house naman aniya na may pambabae at panlalaki na silid ay para sa mga empleyado ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) na maaaring matulog o mamalagi mula Lunes hanggang Biyernes.
“Sana ang lahat ng pagbabago sa farm school ay magkakasama tayo dahil nandito lagi ang ating Gobernador na walang sawang nagpapaganda sa ating farm school.
Maraming salamat sa mga barangay officials ng Anquiray, sa PNP na patuloy na tumutulong dahil ang kanilang mga asawa ay nagsasanay sa ating training centers ng pickled papaya-making at iba pang food production,” dagdag niya.
Bukod sa binasbasang pasilidad ay dagdag rin dito ang hydroponic at aquaponic production area; machinery shed na mayroong rice milling machine, rice transplanter, combine thresher harvester, corn and palay thresher, hand tractor, hardwood shedder, corn grinder and weed shedder, trailer at chipping machine.
Samantala, pinangunahan naman ni Rev. Fr. Macario Malanao ang pagbasbas sa mga pasilidad. Dumalo naman sina 3rd District Board Member Rodrigo De Asis, Consultant Roberto Damian, mga Department Heads, empleyado ng Kapitolyo at mga trainees ng vegetables, at mga rice and corn farmers.