Panibagong pag-asa ang hatid ng mga prosthesis na ipinagkaloob ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan (PGC) sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) katuwang ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Cagayan Chapter, Handicapable Association of Cagayan, Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Tahanang Walang Hagdan sa 21 Persons with Disabilities (PWD) mula sa iba’t ibang bayan sa lalawigan.
Ang pagkakaloob ng mga prosthesis ay bahagi ng “Physical Restoration Program” ng PSWDO na bahagi rin ng kamakailang selebrasyon sa ika-44th National Disability and Rehabilitation Week nitong Hulyo 17-23, 2022.
Nasa 38 ang kabuuang bilang ng mga PWD na mapagkakalooban ng prosthesis subalit 21 lamang dito ang nakakuha, habang 13 ang hindi nakadalo sa awarding, dalawa (2) ang hindi na nakakuha dahil sa kasamaang palad ay pumanaw na ang mga ito at mayroon namang (2) ang ‘for reconstruction’ dahil sa size problem.
Sa panayam ng CPIO sa isa sa mga benepisaryo na si Grace Senolos, 27 anyos na mula sa Brgy. Sta.Cruz, Sta. Ana, emosyonal niyang sinabi na nagkaroon na umano siya ngayon ng kumpiyansa sa sarili dahil sa prosthesis na kanyang natanggap.
Aniya sa pamamagitan nito ay magkakaroon na ng tiwala ang mga employer na siya ay tanggapin sa trabaho dahil makakalakad na siya nang wasto at magagawa na niyang muli ang dati niyang ginagawa noong hindi pa naputol ang kanyang isang paa dahil sa sakit na cancer.
“Nagpapasalamat po ako sa mga tumulong para magkaroon po kami ng ganito (prosthesis). Dati po akong cashier sa isang restaurant pero simula noong maputol ang aking paa, wala ng gustong tumanggap sa akin sa anumang trabaho dahil sa kapansanan ko. Pero ngayon, nagkaroon po ako ng pag-asa na may tatanggap na po sa akin sa trabaho dahil gusto ko din po matulungan ang pamilya ko,” pahayag ni Senolos.
Laking pasasalamat naman ni Francisco Arago, 38 anyos mula sa Malakabibe, Solana dahil natupad na ang matagal na niyang hiling na magkaroon ng prosthesis ang dalawa niyang paa. Kung dati aniya ay pa-extra-extra lamang siya sa trabaho, ngayon ay tiwala na siya na may tatanggap na din sa kanya na maging full-time employee.
“Nagpapasalamat po ako dahil nakakatayo na ako nang normal. Makakapasyal na din po ako sa mga mall nito. At sana sa pamamagitan po nito ay may tatanggap na din po sa akin sa trabaho kasi dati ay pa-extra-extra lang po ako ngayon sana ay tuluy-tuloy naman na ang mahanap kong trabaho,” puno ng pag-asang pahayag ni Arago.
Samantala, umaapela naman ng tulong si Amalia Decena, President ng Handicapable Association of Cagayan mula sa mga Lokal na Pamahalaan ng bawat bayan na makipagtulungan sa PGC at sa PSWDO at sa mga organisasyon na tumutulong mapabuti ang kalagayan ng mga PWD lalo na sa usaping pinansyal para sa mga prosthesis dahil aniya ay hindi rin libre ang pagpapagawa ng mga ito.
“Gusto ko lang ipanawagan sa mga LGUs natin na sana ay may counterpart din sila sa mga ganitong programa natin at ng Pamahalaang Panlalawigan kasi malaking tulong din po ito sa ating mga PWD. Alam naman natin na hindi libre ang pagpapagawa ng mga prosthesis kaya sana ay maging regular natin silang katuwang dito para sa ganoon ay mas lumawak pa ang mga mabibigyan natin ng pag-asa,” pahayag ni Decena.
Pinasalamatan naman ni PSWDO Head Helen Donato, ang mga stakeholder lalung-lalo na si Governor Manuel N. Mamba na walang sawang sumusuporta sa sektor ng mga may kapansanan maging ang PCSO Cagayan Chapter na naging daan upang maging matagumpay ang naturang aktibidad.
Sa panibagong sets naman ng mga mabibigyan ng prosthesis ngayong darating na Nobyembre ay mayroong 83 na PWDs ang sumailalim na sa assessment.