Napili si Cagayan Governor Manuel Mamba bilang lone nominee sa Chairmanship ng Regional Development Council o RDC sa Rehiyon Dos. Ito ay matapos ang nominasyon ng mga miyembro ng RDC para sa Chairmanship at Vice Chairmanship sa 2022-2023 term, kasabay ng 124th RDC Meeting na ginanap sa Crown Pavilion, Tuguegarao City ngayong araw, August 24, 2022.

Si Winston Singun ng Department of Trade and Industry (DTI) ang nag-nominate kay Governor Mamba sa Chairmanship position. Dalawang kinatawan naman mula sa Private sector Representatives ang na-nominate sa Vice-chairmanship sa katauhan ni Christian Guzman ng Health and Education Sector, at Cloyd Velasco ng Tourism.

Pagkatapos ng pagpili sa mga nominado sa mga naturang posisyon, kailangan nang magpasa ng mga kaukulang dokumento katulad ng Personal Data Sheet, National Bureau of Investigation (NBI), Civil Service Commission, Ombudsman at Sandiganbayan Clearance. Kapag nakompleto na ang mga dokumento ay i-eendorso na ito ng RDC sa Office of the President kung saan ang Pangulo ang siyang pipili at magtatalaga ng Chairman at Vice-chairman ng RDC R02.

Samantala, kinuwestyon ni Gob. Mamba ang mga proyekto na ginagawa sa mga bayan na wala umanong endorsement o resolution man lang mula sa mga Municipal o Provincial Development Council. Inihalimbawa ng Gobernador ang pinondohang Maguiling Bridge sa Tuao-Piat at ang road project sa Enrile na tinututulan ni Mayor Miguel Decena dahil hindi umano dumaan sa lokal na pamahalaan.

“How did you come up with this approved projects without consulting MPDC/PDC, walang resolution. Are all this approved, endorsed by RDC? Kasi maraming naglalabas na pondo wala MDC/PDC and yet pumasa dito. One classic example is the Maguiling bridge,

isa rin ang project sa Enrile ginagawa na, na ino-oppose ngayon ni Mayor. Yes, sa Tuao yung Maguiling bridge but we have fund prioritization, katulad ng Alcala bridge at iba pang malalaking tulay. Katulad ng sinabi ni Secretary Abalos, it should be bottom-up planning and budgeting,” ani Gob. Mamba.

Sinegunduhan naman ito ng Private Sector Representative for Social Welfare and Marginalize sector kung saan base sa kanilang obserbasyon ay may mga proyekto umano sa mga barangay na ginagawa, subalit hindi alam ng mga opsiyal at residente ng barangay kung saan galing ang pondo sa mga ginagawang proyekto.

Dahil dito ay sinabi ni National Economic and Development Authority o NEDA Regional Director Dionisio Ledres Jr. na idudulog ito sa RDC Committee kung saan magkakaroon ng dayalogo at mai-endorso na rin sa national.

Ang RDC ay ang pinakamataas na planning and policy-making body sa rehiyon. Ito rin ay nagsisilbing counterpart ng NEDA Board sa sub-national level at institusyon na nag-uugnay at nagtatakda ng direksyon ng lahat ng pagsisikap sa pagpapaunlad ng ekonomiya at panlipunan sa rehiyon.