Posted on August 4, 2022 Nagsagawa ng pagpupulong ang pamunuan ng Provincial Social Welfare and Development (PSWDO) sa mga Child Development Worker o Daycare Workers para sa kanilang mga paghahanda sa nalalapit na face-to-face classes sa darating na pasukan nitong Agosto.Ito ang ibinahagi sa CPIO Tele-radyo ni Rose Mandac, Social Welfare Officer IV ng PSWDO. Aniya, nitong nakaraang linggo ay pinulong nila ang Daycare Workers upang pag-usapan ang kanilang mga paghahanda para sa muling pagbubukas ng face-to-face classes kung saan tinalakay nila ang iba’t ibang hakbang upang mapanatiling nasusunod ang health protocols lalo na at ang kanilang mga tinuturuan ay mga batang nagkaka-edad sa 3-4 taong gulang na kabilang sa vulnerable sectors.Saad pa ni Mandac na bagamat mayroon pa ring banta ng Covid-19 mahalaga rin na muli ng mabuksan ang klase sa Daycare dahil malaking tulong ang pagkakaroon ng Daycare classes dahil dito unang nabibigyan ng importansya ang development ng mga bata, hindi na rin nahihirapan ang mga bata sa pag-aadjust tungong Kindergarten at nagiging katuwang din ng mga magulang ang mga Daycare Workers sa pagtuturo sa kanilang mga anak.Dagdag pa dito, sinabi rin ni Mandac na pansamantala mang natigil ang pagtuturo sa daycare dahil sa pandemya ay patuloy parin ang kanilang isinasagawang koordinasyon, pakikipag-usap at pakikipagtulungan sa Daycare Workers para sa mga planong kanilang gagawin sa oras na mabuksang muli ang mga paaralan para sa face-to-face.Kaugnay rito, upang mapangalagaan naman ang kapakanan ng Child Development Workers, ay patuloy ang pagsuporta ng pamunuan ng PSWDO katuwang ang DSWD sa pagsusulong ng Magna Carta para sa Child Development Workers upang hindi na rin sila basta-basta tanggalin o palitan ng mga barangay officials dahil sa kanilang mga personal na dahilan.Aniya, ay hindi biro ang pinagdadaanang pagsasanay ng Daycare Workers kung kaya hindi nararapat na sila ay basta na lamang tanggalin sakali mang mag-iba ang mga nakaupong pinuno ng isang barangay.Ang Daycare Workers ay tinaguriang barangay foot soldiers na binibigyang pagpapahalaga ni Governor Manuel N. Mamba.Sa ilalim ng kanyang programang No Barangay/Town Left Behind Program o NBLB/NTLB, tinaasan ng ama ng lalawigan ang kanilang honoraria dahil sa walang patid nilang serbisyo sa kanilang mga ka-barangay.