Umabot sa 91 bags ng dugo ang nakolekta ng Provincial Health Office (PHO) sa isinagawang 2nd Quarter Bloodletting activity kahapon, Hunyo-27 sa SM City Tuguegarao kasabay ng pagdiriwang ng 440th Aggao Nac Cagayan.

Layuin ng aktibidad na panatilihin ang suplay ng dugo sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) at Philippine Red Cross (PRC) sa pamamagitan ng pagsasagawa ng quarterly bloodletting na may temang “Donate Blood, Save Lives.”

Kaugnay rito, katuwang ng PHO sa aktibidad ang Cagayan Valley Medical Center (CVMC) at Department of Health (DOH).

Ayon kay Acting Provincial Health Officer Dr. Rebecca Battung, ang mga boluntaryong nagdonate ng dugo ay kinabibilangan ng mga empleyadong regular donor ng Provincial Government of Cagayan (PGC), walk-in na mga estudyante , ilang empleyado ng Department of Trade and Industry (DTI), Department of Public Works and Highways (DPWH), kapulisan ng Cagayan Police Provincial Office (CPPO) at mga private individual.

Idinagdag pa ni Dr. Battung na mayroong mga indibiduwal na hindi nakapag-donate ng dugo dahil sa mababang hemoglobin na maaring puyat o pagod, mataas na blood pressure, may tattoo na wala pang isang taon, at first time na magdonate ngunit 62-anyos na.

Pinakamatanda sa mga naging donor ang animnapu’t limang (65) taong gulang na lolo kung saan ay regular siyang nagdodonate ng dugo. Ang pinakabata naman ay isang labing siyam (19) anyos na estudyante sa isang unibersidad sa lungsod na regular ring donor simula pa noong siya ay labing pitong (17) taong gulang.