Sumailalim sa anim na araw na Water, Search and Rescue (WASAR) training ang 68 rescuers sa probinsiya ng Cagayan bilang paghahanda sa panahon ng kalamidad.
Sa nakuhang impormasyon mula sa Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), ang mga lumahok sa naturang pagsasanay ay mula sa 17th Infantry Battalion Philippine Army, Bureau of Fire Protection (BFP) at ilang kawani ng Cagayan PDRRMO at Task Force Lingkod Cagayan (TFLC).
Layunin umano ng training na ito na madagdagan pa ang kaalaman ng mga rescuer sa pagresponde dahil sila ang unang tinatawag para rumesponde sa panahon ng kalamidad at sakuna.
Ilan sa ginawa ng mga kalahok ang Boat handling, Boat Maneuvering, Map Reading and Navigation, High Angle Rescue, Basic Water Safety, Swimming, at Rope Manship.
Sinimulan ang pagsasanay nitong Mayo-02 at natapos kahapon, Mayo-07 kung saan tatlong araw na isinagawa ang lecture at tatlong araw na actual activity.