Nabiyayaan ng wheelchair ang anim na Cagayano mula sa bayan ng Sta. Ana (5), Gonzaga (1), mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan (PGC).
Mismong ang Provincial Social Welfare and Development Officer na si Helen Donato ang nanguna sa pagbabahagi ng mga wheelchair na ipinagkaloob ng Free Wheelchair Mission at Children’s International Philippines, Inc. sa PGC para sa mga mamamayang Cagayano na nangangailangan nito.
Sa naging panayam naman ng CPIO kay Restituto Vargas, Social Welfare Officer III ng PSWDO, ang mga idineliver na wheelchair sa anim na benepisaryo ay dumaan umano sa masinsinang proseso at hindi lamang umano ito basta ipinagkaloob dahil sa kagustuhan ng pasyente kundi ito ay sinusuri din ng mga doktor at tinitiyak na ang wheelchair ay naaayon sa kondisyon ng isang pasyente.
Sinambit ni Vargas ang pahayag upang tugunan ang ilang mga kababayang Cagayano na nagsasabing pinipili lamang ng kanilang tanggapan ang mga pinagkakalooban ng wheelchair.
“Linawin ko lamang po na hindi po kami namimili ng benepisaryo ng wheelchair.
Kami po ay nakadepende sa rekomendasyon ng doktor ng aming kliyente. Kasi mayroon pong mga kondisyon na hindi po nararapat na magkaroon ng wheelchair.
Halimbawa na lamang ang mga stroke patient na kung severe ang case, ay tinitingnan ng doktor at sinusuri nila kung dapat ba mag-wheelchair ang kanilang pasyente.
Kasi may mga stroke patient na naa-outbalance, so tendency nun ay baka bumaliktad pa at madisgrasya ang pasyente,” paliwanag ni Vargas.
Sa ngayon ani Vargas, bukod sa mga ipinagkaloob na wheelchair ay kasalukuyan umano ang pagsukat naman sa mga panibagong benepisaryo na nag-request ng wheelchair.
Para naman sa mga nangangailangan nito, payo ni Vargas na magtungo lamang sa kanilang tanggapan sa Kapitolyo at magdala ng rekomendasyon o sertipikasyon mula sa kanilang mga doktor.
Samantala, asahan naman ani Vargas na ang serbisyo ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pamamagitan ng PSWDO para sa sambayanang Cagayano, ay tuloy-tuloy kahit na nakabinbin pa rin sa Sangguniang Panlalawigan ang pag-apruba sa 2023 Annual Budget.
Bukod sa pagkakaloob ng wheelchair, ay tuloy-tuloy din aniya ang pagkakaloob ng PSWDO ng medical assistance para sa mga pasyenteng walang sapat na pampagamot maging ang paghahanda ng assessment, measurement at delivery ng prosthesis sa mga potential beneficiary.