Ngayong buwan ng Agosto, ipgadiriwang ng Pamahalaang Panlalwigan ng Cagayan ang ika-50th anibersaryo ng Cagayan Museum and Historical Research Center kasabay ng pagdiriwang ng bansa sa Buwan ng Wika at Buwan ng Kasaysayan.

Ayon kay Nino Kevin Baclig, magsisimula ang makasaysayang selebrasyon sa Agosto 14, 2023 sa pamamagitan ng isang Culture and Arts Summit, kung saan itatampok ang mga local researcher ng lalawigan.

Itatampok din ang mga national at international resource speaker sa nasabing summit na gaganapin sa panlalawigang museo kung saan magiging panauhing pandangal dito si Rev. Fr. Isidro Abano, ang Vice President ng International Council of Museum at University of Santo Tomas Museum. Ani Baclig ang UST Museum sa liderato ni Father Jesus Merino, ay tumulong din noong unang itinayo ang Cagayan Museum, 50 taon na ang nakalipas.

“Makakasama din bilang Guest of Honor si Jeremy Barns, ang Director General ng National Museum of the Philippines. Sa Agosto 16 naman sa huling araw ng summit ay maglulunsad ng aklat si Javier Galvan Guijo, Director of Instituto Cervantes de Manila,” sambit ni Baclig.

Liban dito, tampok din sa muling pagbubukas ng Panlalawigang Museo ang mga bagong gallery na inayos at pinaganda. Bahagi din ito ng paghahanda sa anibersayo ng museo.

Samantala, inaanyayahan ni Baclig ang lahat ng Cagayano na makiisa sa pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng Cagayan Museum.

“Lahat po tayo ay inaanyayahan na makilahok sa lahat ng programa ngayong Agosto, sa ating pagpapalawig ng ating wika, hindi lamang ng wikang pambansa ngunit lahat ng wikang katutubo ng Cagayan, at sa pagpapayaman at pagpapahalaga sa ating nakapayamang kasaysayan,” pagtatapos ni Baclig.