Endless talaga ang fun na hatid ng mga aktibidad sa 440th Aggao Nac Cagayan dahil sa ika-27 araw ng selebrasyon nito, isang bago at nakamamanghang drone show ang nagpabilib sa mga Cagayano.

Nagsama-sama ang 100 drone o unmanned aircraft na nagpailaw sa kalangitan at gumuhit sa kaulapan.

Kasama sa mga ipinakitang mensahe ng drone operators ang pagbati ng mga ito sa selebrasyon ng Aggao Nac Cagayan, hugis mga pusong sumasayaw, at mukha ng ama ng lalawigan na si Gob. Manuel Mamba.

Ang drone show ay nagtagal ng limang minuto at sumabay sa saliw ng cagayan tourism brand song na ‘Endless Fun Cagayan’.

Pinangunahan ni Gob. Manuel Mamba ang nasabing aktibidad kasama sina Atty. Mabel Villarica-Mamba, ang unang ginang ng lalawigan at chairperson ng selebrasyon; Provincial Administrator, Atty. Ma. Rosario Mamba-Villaflor, Tuguegarao City Mayor Maila Ting-Que, SM City Officials at staff, Department heads, mga empleyado ng kapitolyo at ang madlang Cagayano.