Umabot sa apatnapu’t apat (44) na health workers ng Tuao District Hospital ang nabakunahan ng bivalent vaccine o 3rd booster dose kontra sa COVID-19 ngayong Huwebes, Hulyo 06, 2023.
Ayon kay Dr. Nicasio Galano Jr., Chief of Hospital ng TDH na nabigyan ng naturang bakuna ang kanilang mga kwalipikadong frontliner upang lalong mapalakas ang proteksyon kontra COVID-19.
Dagdag pa rito, wala aniyang naitalang side effect ng bakuna sa lahat ng nabakunahan.
Base naman sa pamantayan ng Department of Health (DOH), uunahing bakunahan ang mga health worker at mga senior citizen o ang mga kabilang sa A1 at A2 category na nakatanggap ng second booster sa pagitan ng 4-6 na buwan dahil sa limitadong suplay ng Bivalent vaccines.
Kaugnay rito, sa oras na magkaroon ng sapat na bivalent vaccine ang bansa, maaaring bakunahan ang mga indibidwal na umabot na sa apat na buwan nang matanggap nila ang ikalawang booster shot at kinakailangang kumpleto ito ng dalawang booster shot bago mabigyan ng 3rd booster shot.