Muling nagkaloob ng assistive device na prosthesis ang Provincial Government of Cagayan (PGC) sa 40 na Cagayano na nangangailangan nito sa pangunguna ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO).
Naganap ang pamamahagi sa Physical Restoration Program Activity sa Casa Angela, Tuguegarao City, nito lamang Marso 23-24. Partikular na mga nabigyan ay ang mga kliyente na nais muling mag-aral, at mga kliyente na patuloy pa ring nagta-trabaho sa kabila ng kanilang kapansanan.
Ang pamamahagi ng prosthesis ay pinangunahan ni Restituto Vargas , PDAO Focal Person ng PSWDO.
Katuwang nang ng PSWDO sa naturang aktibidad ang DSWD sa pangunguna ni Claudine Amid, PWD Focal Person ng DSWD R02, kasama ang President ng Handicapables Association ng Cagayan na si Amalia Decena, at si Fernando Santos na kinatawan ng Prosthesis and Brace Center- Tahanang Walang Hagdanan at mga ibang Focal Persons ng mga municipalities na may benepisaryo.
Mula naman sa mga bayan ng Aparri (2), Enrile 1, Gattaran (1), Lallo (5), Alcala (1), Abulug (3), Lasam (2), Amulung (7), Sanchez Mira (7), Gonzaga (5), Sta. Teresita (2), Solana (1), at Baggao (5) ang mga napagkalooban ng naturang assistive device.
Ayon kay Vargas, ang mga napagkalooban ng prosthesis ay ang mga nasukatan noong nakaraang taon.
Saad din niya na ramdam umano nila sa PSWDO ang saya ng mga napagkalooban dahil sa pamamagitan ng kanilang prosthesis ay maipagpapatuloy na ng mga mag-aaral na benepisaryo ang kanilang pag-aaral ngayong darating na pasukan. Maging ang mga manggagawang benepisaryo ay mapapabuti na rin ang kanilang mga gawain at mabawasan ung pagkalungkot sa kanilang kalagayan ayon pa kay Vargas.
Samantala, sa 40 na benepisaryo ng prosthesis, isa rito ang na-recast dahil maliit umano ang device habang isa naman ang hindi nakasipot upang tanggapin ang kanyang prosthesis.
Maliban naman sa mga nabigyan ng prosthesis ay matagumpay namang pumasa sa assessment ang 38 na bagong kliyente ng PGC para sa susunod na batch ng mga mabibigyan ng naturang assistive device.
“Sa amin po sa PSWDO after the activity last week para sa mga kababayan nating nangangailangan ng prosthesis, I am happy to announce na pwede na rin kaming tumanggap ng mga kliyente na may karamdaman sa pandinig o nangangailangan ng hearing aid bilang karagdagang serbisyo ng Pamahalaang Panlalawigan sa ating mga kliyente na may kapansanan,” dagdag pa ni Vargas.