Malaking tulong para sa tatlumpu’t siyam (39) na mga estudyante ng Baggao National High School at Pacac Grande National High School ang naging work immersion sa Cagayan Farm School and Agri-tourism Center sa Anquiray, Amulung.

Ito ang pahayag ni Provincial Agriculturist Pearlita P. Mabasa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan matapos ang 240 hours na pagsasanay at pamamalagi ng mga estudyante sa Farm School.

Natutunan aniya ng mga estudyante ang iba’t-ibang training katulad ng seedling propagation, mushroom production, vermi composting, hydroponics at aquaponics, silage making, at cacao processing technology.

Ani ni Mabasa aktuwal din na tumulong ang mga estudyante sa dispersal ng “MagSAKAbataan” program sa iba’t ibang Local Government Unit (LGU) sa lalawigan.

Kahapon ay nagtapos na sa kanilang work immersion ang mga estudyante at inaasahan na magagamit nila ang mga natutunan sa Cagayan Farm School.

Ang work immersion ay bahagi ng Senior High School Curriculum na nangangailangan ng hands-on experience para sa mga estudyante.

Samantala, ang pagtanggap ng Cagayan Farm School sa mga nasabing estudyante ay bahagi pa rin ng layunin ni Governor Manuel Mamba na ihanda ang mga Cagayano lalo na sa sector ng Agrikultura para sa nalalapit na muling pagbubukas ng Port of Aparri na siyang magiging daan para kalakalan ng probinsiya sa mga kalapit na bansa sa Asya.