Maaga pa lang ay sinimulan na ang pagpadyak ng 352 bikers na kalahok sa “Pilgrimage bike for Mama Mary and Mother Earth” ngayong Sabado, Hunyo-24 na bahagi ng pagdiriwang sa 440th Aggao Nac Cagayan.
Ang aktibidad ay inorganisa ng Cagayan Provincial Jail (CPJ) at ng Cagayan Tourism Office (CTO) sa pakikipagtulungan ng Archdiocese of Tuguegarao na pinamumunuan ni Archbishop Sergio Utleg at sinaksihan naman ito ng Unang Ginang ng lalawigan na si Atty. Mabel Villarica-Mamba na siya ring chair steering committee ng Aggao.
Ang mga lumahok na bikers ay nagmula sa iba’t ibang lugar sa Rehiyon Dos na kinabibilangan ng Quirino, Santiago, Cauayan City, Roxas, Ilagan City, Tumauini, Gonzaga, Alcala, Sanchez Mira, Tuguegarao City at lumahok din ang ilang bikers mula sa lungsod ng Maynila.
Layunin ng naturang aktibidad na ipamulat sa mga mamamayan lalo na ang mga mag-aaral, at mga nagtatrabaho ang kahalagahan ng paggamit ng bisikleta sa pagpasok sa paaralan at maging sa trabaho.
“This activity through the leadership of our dear Governor Manuel Mamba and Archbishop Sergio Utleg, wants to promote the importance of using bicycle as an alternative way of transport to reduce the carbon emission. It is also a form of reminding all of us to love and preserve our environment,” saad ni Warden Catalino Arugay ng CPJ.
Bago sinimulan ang pagpadyak, ay bumisita muna ang mga kalahok sa Our Lady of Visitation Shrine sa Guibang, Gamu, Isabela na siya ring starting point para sa 130km pilgrimage bike event.
Bawat ruta ay may rosary prayer at ang pagdadasal ng rosary ay sinimulan sa Guibang, Gamu, Isabela para sa 1st mystery, 2nd mystery sa Tumauini, Isabela hanggang sa Sta. Maria, Isabela para sa 3rd mystery, habang 4th mystery sa Nangalisan, Solana, at pang huling mystery ay sa Gadu, Solana.
Nagtapos naman ang pagpapadyak sa pamamagitan ng isang misa sa Basilica Minore of Our Lady of Piat kaninang pasado alas 3:00 ng hapon.
Pinasalamatan naman ni Arugay ang lahat ng lumahok maging ang principal ng Nangalisan Solana National High School na si Carlo Caranguian sa mainit niyang pagtanggap sa mga lumahok matapos ang maiksing programa na ginanap sa kanilang paaralan.