Nagtapos sa pagsasanay sa tour guiding ang 31 na local guides sa bayan ng Tuao, Cagayan ngayong Miyerkules, ika-17 ng Mayo 2023.
Ang pagsasanay na nagsimula nitong Mayo 15, 2023 ay pinangunahan ng Cagayan Provincial Tourism Office (PTO) sa pakikipagtulungan ng LGU Tuao.
Naging bahagi din ang “Tourism Awareness and Appreciation” bilang isang pangunahing paksa, ngunit sumentro ang pagsasanay sa basic tour guiding kung saan naipamalas ng mga local guide ang kanilang husay sa tour guiding.
Ayon kay Jenifer Junio-Baquiran, ang Officer-in-charge ng Cagayan PTO, bahagi pa rin ito ng paghahanda sa mga tourism stakeholder sa Cagayan, lalo pa at tuloy-tuloy ang mga development sa iba’t ibang LGUs, maging sa lalawigan sa larangan ng turismo.
Pagkatapos ng lectures ay nagkaroon naman ng mock guiding assessment ang mga kalahok.
Ang mga site na kasama sa mock tour ay ang itinerary na nasa ilalim ng Bastion of Faith Southwestern Cagayan Tourism Circuit. Ito ay ang Mamba Ancestral House, Cassily Lake Resort, Sinabalu and Sukalati, Holy Guardian Angel Parish Church, Tuao Viewdeck, CPM Integrated Farm, at I.T. Pascua Farm.
Naging panauhin naman si Mayor William Mamba sa pagtatapos ng mga tour guide ngayong araw.
Ayon sa PTO, ito na ang pangatlong Tour Guiding seminar na kanilang isinagawa nang magsimula ang taon. Kamakailan ay mga community guides naman sa Calayan ang isinabak sa tour guiding seminar.
Pagkatapos ng pagsasanay sa Tuao, tutungo naman ang grupo sa Claveria para sa isa na namang pagsasanay.