Binuksan na ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) Region 02 ang tatlong araw na “Mining Exhibit” sa Robinsons Place Tuguegarao ngayong Biyernes, Hunyo-23.
Sa pagbubukas ng exhibit, sinabi ni Engr. Mario Ancheta, Regional Director ng MGB R02 na layon nitong maipakita ang mga best practice ng mga mining companies sa rehiyon.
Aniya, importante na malaman ng publiko ang nangyayari sa mga minahan sa rehiyon para matanggal at maitama ang maling pananaw ng publiko kaugnay sa pagmimina.
Inihayag din ni Engr. Rommel Amogan, Chief, Mine Safety, Environment, and Social Development Division (MSESDD) ng MGB R02, kailangan na maipaliwanag sa publiko ang kahalagahan ng mga mining company kung kaya’t ginawa ang naturang aktibidad.
Aniya, makakatulong ang exhibit na iparating sa publiko na “walang sustainable mining kung walang responsible mining”.
Makikita sa naturang exhibit ang mga best practice ng mga mining company sa rehiyon kasama na ang OceanaGold Didipio Mine Philippines, FCF Minerals Corporation, Dinapigue Mining Corporation (DMC), at JDVC Resources Corporation.
Samantala, sinaksihan din ng mga iba’t ibang ahensya ang naturang aktibidad na kinabibilangan ng BFAR R02, DILG R02, DOLE R02, CHR, NEDA, DEPED at NCIP.
Kaugnay rito, inaanyayahan ng MGB r02 ang publiko na bisitahin ang kanilang booth sa Robinsons Place Tuguegarao na magtatagal hanggang sa Hunyo 25, 2023.