Isinagawa at pinangunahan ng Provincial Health Office (PHO) at Provincial Veterinary Office (PVET) ang kauna-unahang “Cagayan Rabies Summit” sa Capitol Commissary Building ngayong Biyernes, March 24, 2023.
Naging kinatawan ni Governor Manuel Mamba si Provincial Administrator Atty. Maria Rosario Mamba-Villaflor sa nasabing aktibidad.
Binigyang diin ni Atty. Mamba-Villaflor na hindi aniya katanggap-tanggap kung may namamatay na tao at alagang aso at pusa dahil sa rabies kaya’t napakahalaga umano na makontrol o mawakasan ang rabies sa Cagayan.
“Alagaan nating mabuti ang ating mga alagang aso at pusa. Ituring natin sila na miyembro ng pamilya kaya tiyakin na mapabakunahan sila ng anti-rabies para hindi tayo maging biktima ng rabies. Magtulungan tayo na zero rabies ang ating mga lugar. The people and the community have a big role to eliminate rabies,” ani ni PA Mamba- Villaflor.
Pahayag naman ni Dr. Carlos Cortina III, Provincial Health Officer ng lalawigan na napakahalaga ang “Rabies Summit” para malaman rin ang kakulangan sa implementasyon ng RA 9482 sa Cagayan upang mabigyan ng solusyon patungo sa nais abutin na maging rabies-free ang Cagayan at buong Region 02.
Isang importanteng paraan ang “Rabies Summit” upang malaman at mailapit sa kaalaman ng lahat ang hinggil sa rabies at kung papaano mawakasan ang rabies, aniya.
Ayon naman kay Dr. Nolie Buen, ang Provincial Veterinary Officer ng Pamahalaang Panlalawigan na sana maging rabies-free na ang Cagayan.
“Huwag na nating paabutin sa mga anak o miyembro ng pamilya natin na mababakunahan dahil lamang sa kagat ng aso at pusa. Sa mga alaga na lamang natin ang bakuna kontra rabies kaya’t ipabakuna na agad ang ating mga alagang hayop. Sana sa 2030 ay zero rabies na ang Cagayan at ibang lugar sa Lambak Cagayan,” saad ni Dr. Buen.
Bahagi ng nasabing aktibidad ang hinggil sa tamang implementasyon ng RA 9482 o Anti-Rabies Act of 2007. Dito ay naiprisenta rin ang pagiging responsible pet owners, kalagayan ng mga bite centers sa Cagayan, at serbisyo at programa ng PVET.
Naging halimbawa dito ang best implementer ng RA 9482 sa Cagayan ang Barangay Tucalana, Lal-lo at Barangay Iringan sa Allacapan, Cagayan. Matatandaan na binigyan ito ng pagkilala ng PVET noong 2022.
Ang Rabies Summit ay dinaluhan ng iba’t ibang Municipal Health Officers, Municipal Veterinarians, Veterinary Technicians, Municipal Agriculturist, Barangay Health Workers Federations Presidents ng Cagayan na mula sa Rizal, Sanchez Mira, Solana, Sta. Ana, Piat, Aparri 1 & 2, Baggao, Ballesteros, Buguey, Calayan, Sta. Praxedes, Sta. Teresita, Sto. Niño, Tuao, Tuguegarao, Iguig, Lal-lo, Lasam, Pamplona, Peñablanca, Camalaniugan, Claveria, Enrile, Gattaran, Gonzaga, Abulug, Alcala, Allacapan, at Amulung.
Kabilang dito ang ibang ahensiya ng Department of Health Region 02, DILG, DA, DepEd, CSU College of Veterinary Medicine, Provincial Office for People Empowerment (POPE) at Tuguegarao Veterinary Office.
Ang Rabies Summit ay may temang ” Strengthening Rabies Awareness and Filling the Gaps in Rabies Program.”