Umabot sa 125 na pamilya ang panibagong batch na nagtapos ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2 sa bayan ng Amulung, Cagayan nitong nakaraang araw.

Pinangunahan ni Regional Director Lucia Alan ang ginawang Pammadayaw na Paggradua na Pantawid Pamilya o seremonya ng pagtatapos ng 125 pamilya na matagumpay na natulungan ng programa.

Ang “Pammadayaw na Paggradua” ay naglalayong kilalanin at pahalagahan ang pagsisikap ng bawat benepisyaryo ng 4Ps sa pagkamit ng self-sufficiency na antas ng pamumuhay.

Ayon sa batas ng 4Ps, maituturing na umangat ang pamumuhay ng isang pamilyang benepisyaryo ng 4Ps kung ang kanilang pamilya ay wala ng edad 0-18 na kailangan pang i-monitor o irehistro sa programa.

Kaugnay rito, nilagdaan din ng Local Government Unit (LGU) kasama ang mga stakeholders at DSWD ang Specific Implementation Agreement (SIA).

Sa ilalim ng SIA ay gagabayan o aalalayan ng LGU ang mga pamilyang-benepisyaryo katuwang ang ahensiya, sa “transition phase” upang matiyak na ang benipisaryo ay hindi na muling babalik sa kahirapan.