Nasa kabuuang 1,180 na solar lights ang nailagay na ng Cagayan Provincial Engineeering Office o PEO sa mga provincial road.
Ang mga bayan na una nang nalagyan ang mga daan ay ang bayan ng Sto. NiƱo, Piat, at Tuao.
Nasa kabuuang 2,680 solar lights ang unang nabili at kasalukuyang inilalagay ngayon ng PEO na siyang inatasang departamento na magpatupad ng nasabing proyekto.
Ayon kay Engr. King James Dela Cruz, Provincial Engineer, sinabi nito na magpapatuloy ang paglalagay ng solar lights sa lahat ng provincial roads. Ito ay alinsunod na rin sa hangarin ni Governor Manuel Mamba na mapailawan ang mga daan para sa public safety.
Ilan pa sa mga nasa proposal ng PEO na malalagyan ng solar lights ngayong 2023 ay ang daan sa Aparri hanggang sa Buguey kung saan sakop nito ang ang Paddaya road na kinabibilangan ng Barangay Maura hanggang Dodan, Padawaya East at West, Barangay San Isidro hanggang Cabaritan.
Sa bayan ng Buguey ay kasama rin sa mga barangay na makikinabang ang barangay Centro, Sta. Maria, Mala Este at Minanga. Sa bayan naman ng Camalanuigan ay ang daan sa barangay Minanga, Casili, Ziminila, Bulala, at Dacala-fugu.
Habang sa Gonzaga naman ay sa Barangay San Roque at Calayan, at Alcala sa bahagi ng Baybayog hanggang Imurung sa bayan ng Baggao.
Mayroon din sa segunda distrito partikular na sa bayan ng Pamplona at Claveria. Maging sa tersera distrito sa bayan ng Iguig.
Ang pagpapalagay ng solar lights sa mga nasabing daan ay maipapatupad lamang kapag naipasa na ang 2023 badyet dahil sa panukalang pondo umano nakapaloob ang nasabing proyekto.
Kung matatandaan ay sinimulan ang paglalagay ng solar lights sa mga provincial roads dahil napansin ng ama ng lalawigan na marami umanong nasasangkot na aksidente sa mga daan dahil madalim ang mga ito.